MULING nagtala ng ‘accomplishment’ ang bagong talagang Regional Director ng Police Regional Office 5 na si P/BGen. Jonnel C. Estomo at mga tauhan nito sa pagkakaaresto sa kilalang miyembro ng Militiang Bayan na si Jose Begonia y Frondoso sa bayan ng Goa sa Camarines Sur.
Nangyari ang pagdakip kay Begonia noong Abril 26, 2021 dakong 6:35 ng madaling araw sa Brgy. Payatan, Goa, Camarines Sur.
Ang nasabing operasyon ay inilunsad ng mga operatiba mula sa PIU CSPPO, 501st RMFB5, 9SAB-SAF, 93CIP(SMP), 97 MICO, 9MIB, 83IB, 9ID-PA, PIT CamSur, 2nd CS PMFC at Gao MPS, sa pamumuno ni P/Maj. Jeric Don P. Sadia, para madakip ang suspek na si Begonia na idineklarang armed and dangerous personality sa nasabing lalawigan.
Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay sangkot sa serye ng illegal transaksyon ng mga armas, gun for hire at iba pang krimen sa Goa, Camarines Sur.
Inaresto ang suspek sa bisa ng search warrant na inisyu ni Hon. Vivinceo Gregorio G. Atutubo, executive judge ng RTC Branch 32, 5th Judicial Region, Pili, Camarines Sur, na may petsang Abril 22, 2021, sa kasong paglabag sa PD 1866 as amended by RA 10591 o New Comprehensive Firearms Law.
Nakumpiska sa kanya ang isang grenade launcher, isang caliber .38 revolver at anim na bala para sa caliber .38 revolber. (JESSE KABEL)
139
