UNLI RICE IMPORTATION OKAY DIN PARA SA MGA FARMER

USAPANG KABUHAYAN

REKLAMO ng mga grupo ng mga magsasaka at ilang politiko ang kakapirma lang na Rice Tariffication Law na papayagan na ang unlimited rice importation kapalit ng 35 porsyentong taripa o buwis para sa mga bigas na galing sa mga miyembro ng ASEAN at 50 posyento para sa mga ibang bansa.

Sa mga grupo ng mga magsasaka at mga politiko na karamihan ay galing sa kaliwang hanay ng politika, masama para sa 2.5 milyong pamilya o mga 20 milyong Filipino na umaasa sa pagsasaka ng bigas ang unlimited rice importation dahil karamihan sa kanila ay talo pagdating sa presyo at kalidad ng kanilang bigas.

Totoo naman kasi na ang karamihan ng bigas na ibinebenta sa mga palengke ay hindi maganda o masarap dahil pinapayagan hanggang 50 porsyento ang halong broken grains pero mura naman ang presyo.

‘Yun nga lang, ang mga imported rice ay buo ang butil, mas maputi at mas mababa pa ng konti ang presyo kaysa sa mga bigas natin.

Sa ilalim ng Rice Tariffication Bill, may inilaan na P10 bilyong pondo taun-taon para gawing mas maganda ang kalidad ng a­ting bigas at mas mataas ang kita ng magsasakang Pinoy.

Sa P10-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund, P5 bilyon ng inilaan para sa mga makina at mga post-harvest facilities na ipamimigay sa mga magsasaka samantalang P3 bilyon ang inilaan para sa libreng binhi na mas malaki ang butil at mas marami ang ani kaysa sa ordinaryong binhi, P1 bilyon para sa pautang na maaaring gamitin para sa abono at iba pang inputs, at P1 bilyon para sa skills training para sa mga magsasaka at kanilang mga anak para maging mas mahusay sila sa pagsasaka at matuto ng iba pang maitatanim o magagawa para sa dagdag na kita.

Tinatayang mapapaganda ng mas magandang binhi ang ani ng 50 por­syento mula sa apat na toneladang tradisyong ani ngayon sa mga sakahan para ang kita ng mga magsasaka ay lumaki ng halos P30,000 bawat ektarya sa presyong P15 kada kilo ng bigas kada taon.

‘Yun namang mga makina at mga post-harvest facilities gaya ng grains dryer at mga truck para sa mga kooperatiba ng mga magsasaka ay mababawasan ang nasasayang na butil na nahuhulog o nadudurog pagkaani ng palay, at ang solar-powered irrigation system naman ay gagawing dalawang beses ang taniman at anihan ng palay sa 60 porsyento ng mga bukirin sa ating bansa na sa ngayon ay isang beses lang nagtatanim dahil walang irigasyon.

Beinte porsyento ng mga mahihirap na Filipino ay galing sa hanay ng mga magsasaka. Kung hindi makukurakot ang mga pondo para sa kanila at matututo silang maging mas mahusay sa pagsasaka ay harinawang umayos na ang ating sektor ng sakahan. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

146

Related posts

Leave a Comment