PNP alerto sa aktibidad ng mga militante LABOR DAY PROTEST

NAKAALERTO ngayon ang buong puwersa ng PNP sa bantang paglulunsad ng sabay-sabay na kilos protesta ng iba’t ibang grupo sa buong bansa para patampukin ang Araw ng mga Manggagawa.

Nabatid na determinado ang mga militanteng grupo na magbalik sa lansangan para sa kauna-unahang malawakang in-person Labor Day protest simula nang umiral sa bansa ang pinakamahabang lockdown sa buong mundo simula noong March 2020.

Sa isang panayam, inihayag ni Kilusang Mayo Uno (KMU) chairperson Elmer Labog na inaasahan nila ang pakikiisa ng tinatayang limang libong tao para sumama sa kanilang demonstrasyon sa Liwasang Bonifacio sa Manila.

Hudyat din umano ito ng kanilang pagtalikod sa kanilang online Labor Day protests bilang pagtugon sa quarantine protocols.

“Esensyal ang makibaka. Kung gaano kahalaga ang pagkain, ang serbisyong medikal at iba pa, ganoon din ang pangangailangang lumaban para sa nararapat,” ani Labog kaugnay sa ikinakasa nilang kilos protesta na posibleng lumabag sa mass gatherings na ipinagbabawal ngayong may COVID-19 pandemic.

Igigiit ng libong manggagawa ang Php10,000 cash aid para sa mahihirap at walang trabaho sa gitna ng pandemiya, P100 daily wage subsidy para sa workers at P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka at mass testing at ligtas at libreng vaccine bilang bahagi ng kanilang health demands.

Samantala, nagpahayag ng kanilang pakikiisa ang Kagawaran ng Tanggulang Pambansa sa sambayanang Filipino sa paggunita ng Labor Day ngayong unang araw ng Mayo.

“Sa araw na ito, kinikilala natin ang hindi matatawarang ambag ng ating mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Sila ang ating mga bayani na patuloy na naglilingkod upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating bansa at maging sa iba’t ibang panig ng daigdig,” pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Partikular na pinatungkulan ng kalihim ngayong Labor Day ang hanay ng mga magsasaka, manggagawa sa agrikultura, mamamalakaya, health workers lalo na ngayong may pandemiya, at mga kasapi ng labor sectors na nasa mga pagawaan.

“Ang pagsulong ng ating bansa ay hindi magiging ganap kung hindi rin angkop ang pag-unlad ng ating mga manggagawa. Kaya naman, marapat na bigyang halaga ang patuloy na pagpapabuti ng kanilang kalagayan, lalo’t higit sa gitna ng pandemya na ating kinakaharap dulot ng COVID-19,” ayon sa kalihim.

“Patuloy na magsusumikap ang ating Kagawaran ng Tanggulang Pambansa upang ating makamtan ang kapayapaan at seguridad na magbibigay-daan sa tunay na maunlad na kinabukasan para sa lahat,” dagdag pa ni Sec. Lorenzana. (JESSE KABEL)

233

Related posts

Leave a Comment