P316-M HALAGA NG ILLEGAL GOODS NASAMSAM

UMAABOT sa P316 milyon ang halaga ng illegal goods na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Navotas City at Pasay City, nabatid kahapon.

Ang naturang coordinated operation ng mga tauhan ng Manila International Container Ports (MICP) at ng Port of Manila’s (POM) Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), ay bahagi ng pinaigting na anti-smuggling campaign ng BOC at pagtupad sa tungkuling bantayan ang mga boarder ng bansa.

Sa ilalim ng direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero, sinalakay ng composite team ang dalawang storage facilities sa mga naturang lungsod noong Mayo 7, sa bisa ng Letters of Authority (LOA), at nakumpiska ang iba’t ibang illegal at IP infringing items na tinatayang aabot sa mahigit P316 milyon.

Nabatid na ang unang team ay nagtungo sa storage facility sa Navotas City kung saan nadiskubre ang mga smuggled frozen meat, peking duck at black duck, na tinatayang nagkakahalaga ng P16 milyon.

Ang ikalawang team naman ay nag-operate at nag-inspeksiyon sa storage facilities sa Pasay City, kung saan nila nadiskubre ang IP infringing clothing gaya ng mga brands na Nike, Lacoste, Jag, Louis Vitton, Jordan, Crocs, Adidas, Havianas, Disney, Frozen, Hello Kitty, Tribal, Dickies, Mossimo, Levi’s, Petrol, Gap, Fila, Uniqlo, Lee, Puma, DC , at Marvel, na tinatayang nagkakahalaga ng P300 milyon.

Ang mga naturang items ay kasalukuyan nang sumasailalim sa imbentaryo at imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Section 1400 ng RA 10863 o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), gayundin sa iba pang intellectual property laws ng bansa.

Sa kanyang pahayag, sinabi naman ni Guerrero na ipagpapatuloy ng ahensiya ang pagtugis sa mga tiwaling indibidwal na sangkot sa smuggling.

Tiniyak pa niya na suportado ng BOC ang mga lehitimong negosyo sa bansa na nagbabayad ng tamang duties at buwis. (ANNIE PINEDA)

102

Related posts

Leave a Comment