Ni JOEL O. AMONGO
Aabot ng 38.1 milyong piso ng misdeclared fake cigarettes ang nasabat ng Bureau of Customs – Port of Subic noong nakaraang Abril 23, 2021.
Ang shipment ay dumating sa Port of Subic mula China at idineklarang assorted textile.
Bago pa man ang filing of goods declaration, ang nasabing Port ay nag-isyu na ng Pre-Lodgement Control Order No. P/SUBIC/20210329-00003 laban sa subject shipment bilang pinaghihinalaang naglalaman ng mga pekeng sigarilyo.
Matapos ang 100% examination na isinagawa ng nakatalagang examiner, ito ay natuklasang naglalaman ng maraming karton ng Fortune at Mighty brand cigarettes at iba’t ibang uri ng mga bagong damit.
Kaugnay nito, isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inisyu laban sa shipment para sa paglabag sa National Tobacco Administration (NTA) Memorandum Circular No. 03, series of 2004 at NTA Board resolution No. 079-2005 and Sec. 155 ng R.A. 8293 (Intellectual Property Code of the Philippines), na may kaugnayan sa Section 1113 (f) of Republic Act No. 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon kay District Collector Maritess Martin, ang pagkakasabat ay resulta ng walang tigil na pagsisikap ng Port of Subic sa pagliligtas sa national borders laban sa mga ilegal na kalakal at iba pang pandaraya sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan ang nasabing shipment ay kinumpiska pabor sa gobyerno at nakatakdang isailalim sa pagtatapon.
