IGINIIT ni Leyte Rep. Martin Romualdez na iginagalang niya ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng mga isyung ibinabato sa kanya, kasabay ng pagtitiyak na handa siyang sumailalim sa tamang proseso ng batas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Romualdez na batid niya ang bigat at sakit na idinulot ng kontrobersya sa kanilang pamilya, ngunit hindi siya kailanman humingi ng anumang pabor o espesyal na pagtrato.
“Masakit man ito sa aming pamilya, iginagalang ko ang naging pahayag ng Pangulo. Hindi ako kailanman humingi ng pabor o espesyal na pagtrato,” ani Romualdez.
Sa kanyang SONA, sinabi ni Pangulong Marcos na malapit nang ihain ng Office of the Ombudsman ang mga kaso laban sa kanyang pinsan at iba pang mga mambabatas kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects.
Ayon sa Pangulo, bagama’t masakit para sa kanilang pamilya ang naturang hakbang, tungkulin niyang unahin ang kapakanan ng sambayanan.
“Dumating na tayo sa punto na ayon sa Ombudsman, ay malapit na ang paghain ng patong-patong na kaso laban sa dating Speaker. Masakit man sa atin ito, ngunit kailangan nating gawin ang tama. Hindi ako Pangulo ng aking pamilya, hindi ako Pangulo ng aking kaibigan,” pahayag ni Pangulong Marcos.
“Ako ay Pangulo ng Pilipinas, at ang tungkulin ko ay sa inyo—ang aking mga kapwa Pilipino,” dagdag pa niya.
Si Romualdez ay kabilang sa mga inakusahan ng umano’y pagtanggap ng kickback mula sa flood control projects, subalit mariin niya itong itinanggi at iginiit na walang sinumang indibidwal ang may ganap na kontrol sa buong proseso ng paglalaan ng pondo.
Ayon kay Romualdez, ang nararapat na hakbang ay ang pagsunod sa due process at pag-ubaya sa ebidensya.
“Sang-ayon ako na gawin natin ang tama. Ang tama ay ang sumunod sa proseso at hayaan ang ebidensya ang magsalita,” aniya.
“Naninindigan akong wala akong ginawang anumang labag sa batas. At handa akong patunayan ito,” pagtatapos ni Romualdez.
(TINA MENDOZA)
56 