IPINAGMALAKI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang patuloy na pagsasagawa ng mga government-organized job fair bilang bahagi ng pagtugon ng administrasyon sa epekto ng mataas na presyo ng langis at pagkawala ng hanapbuhay ng ilang manggagawa.
Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), sinabi ng Pangulo na maraming Pilipino ang naapektuhan o nawalan ng trabaho sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Dahil dito, ayon sa Pangulo, ipinagpatuloy ng pamahalaan ang pagsasagawa ng mga job fair sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sinabi niyang noong Araw ng Paggawa nitong Mayo ay nagsagawa ang pamahalaan ng halos 100 job fair kung saan mahigit 300,000 oportunidad sa trabaho ang inialok sa mga naghahanap ng trabaho.
Ayon pa sa Pangulo, mahigit 6,000 aplikante ang agad na natanggap sa trabaho o hired on the spot sa loob lamang ng isang araw ng job fair.
Idinagdag niya na kasabay nito ay ipinamahagi rin ng pamahalaan ang sahod ng mahigit 100,000 benepisyaryo ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
(CHRISTIAN DALE)
88 