IKALAWANG REGULAR SESSION NG 20TH CONGRESS, BINUKSAN NI SPEAKER DY

PORMAL nang binuksan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang Ikalawang Regular na Sesyon ng 20th Congress, kasabay ng pangakong maghahatid ng mas mataas na pamantayan ng serbisyo publiko.

Ayon kay Dy, tungkulin ng bawat Pilipino na maibalik ang moral na pundasyon ng bansa sa pamamagitan ng integridad, responsibilidad at pagmamahal sa bayan.

“Ang pinakamalaking panganib po ay kapag hinayaan nating mawala ang ating mga pagpapahalaga at pagkalinga sa isa’t isa, when we stop caring for our fellow Filipino. Huwag po tayong mapagod umunawa. Huwag po tayong mapagod tumulong sa ating kapwa,” ani Dy.

“We are all accountable. To ourselves, and to each other,” dagdag pa niya.

Ipinagmalaki rin ni Dy na nakapagpasa ang Kamara ng 163 panukalang batas sa unang regular na sesyon, kabilang ang 26 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills at ang KALINGA Act o anti-oil crisis bill.

“Dahil sa pagtutulungan at pagkakaisa ng inyong mga kinatawan at ng ating mga kawani, nakapagpasa tayo ng 163 bills, kabilang ang 26 LEDAC priority bills,” ani Dy.

Kabilang sa mga naaprubahang panukala ang mga reporma sa National Nutrition Program, mga amyenda sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE), Universal Access to Quality Tertiary Education Act, at Presidential Merit Scholarship Program.

Para sa ikalawang regular na sesyon, sinabi ni Dy na prayoridad ng Kamara ang pagpasa ng Rice Industry and Consumer Empowerment Act, mga amyenda sa Universal Health Care Act, CADENA Act, at Cybersecurity Act.

“Sa ating Second Regular Session, itutuloy natin ang pagtatrabaho para maisulong ang mga repormang direktang tutugon sa mga pang-araw-araw na suliranin ng ating mga kababayan,” giit ni Dy.

Idinagdag pa niya na napatunayan na ng Kamara na maaasahan ito ng taumbayan sa panahon ng krisis at nangakong ipagpapatuloy ng mga mambabatas ang pagbibigay ng serbisyong nararapat sa publiko.

(TINA MENDOZA)

84

Related posts

Leave a Comment