PUNA ni JOEL O. AMONGO
KAYA pala tinawag na ‘happy group’ ang mga negotiator ng ‘restitution’ diyan sa Office of the Ombudsman, ay 70 percent (%) pala ang napupunta sa kanila.
Matinding lagayan pala ang nagaganap diyan. At malaki na ang kanilang kinita, sa pamumuno ni “NANANG” na siyang nagbigay ng go signal para kausapin ang lahat ng ‘involved’ sa ghost flood control projects, kasama ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kaya wala na tayong narinig na update sa mga dapat kasuhan sa anomalyang ‘yan, o ‘di kaya’y bumagal na ang takbo ng kaso. Mas natrabaho pa ang kaso laban kina Senator Rodante Marcoleta at Senator Jinggoy Estrada. Kawawa naman ang mga ito.
Eto ang siste, kapag kinausap na ang isang akusado sa graft and corruption charges, nitong ‘happy group’ sa Office of the Ombudsman, ang offer ay magbalik na lang ng ninakaw nilang pera. At anoman ang halaga nito, 30-70 ang KANAAN. 30% ang madedeklarang babalik sa gobyerno at 70% naman ang sa kanila. Magiging state witness ka pa. Mawawala ka sa listahan ng mga akusado. Matinding lagayan nga, at hindi talaga restitution. Pati gobyerno talo.
Kung baga, halimbawang tatlong ‘baka’ (bilyon) ang isasauli, isang baka (P1 bilyon) lang ang deklaradong babalik sa gobyerno.
Ang galing ano? ‘Yun ang akala ng ‘happy group’ na pinamumunuan nga ni NANANG at kinabibilangan nina Alfred Kho Lao, mga palayaw na Rolle, Bayot, Jip, Weng at Susan.
Dahil ang sabi ng kaibigan nating batikan na abogado na si Atty Ferdie Topacio, ang nababalitaang ‘restitution’ na inaalok sa mga akusado sa ‘ghost flood control projects’ ng Office of the Ombudsman, ay ‘di isinasaad ng batas.
Wala sa Witness Protection Law ang ‘restitution’ sabi ni Topacio, dahil nakaw na pera nga na dapat ibalik nang buo. Kinukumpiska pa nga raw ang mga ari-arian ng mga korap na opisyal at dapat makulong.
Sabi ni Topacio, sa ganitong KANAAN, ang middlemen na kumita ay dapat ding makulong. Parte na nga naman sila sa ninakaw na pera ng bayan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
53 