11 PATAY SA COVID SA 3 CAMANAVA CITIES

MULING nakapagtala ng 11 namatay sa COVID-19 sa Caloocan, Malabon at Navotas noong Mayo 21, nabatid sa health offices ng nasabing mga lungsod.

Ayon sa ulat, siyam ang namatay sa Caloocan City at 1,173 ang active cases. Pumalo na sa 30,311 ang total confirmed cases sa lungsod, kung saan 28,261 na ang gumaling at 877 ang namatay.

Pumanhik naman sa 435 ang COVID death toll sa Malabon City matapos na isang pasyente ang namatay. Habang 16 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 12,926 ang positive cases sa lungsod, 221 dito ang active cases.

Umabot sa 22 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 12,270 ang recovered patients sa lungsod.

Isa naman ang namatay sa Navotas City at 153 ang active cases sa lungsod matapos na siyam ang nagpositibo sa virus at 18 ang gumaling.

Sumampa na sa 110,771 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 110,263 na ang gumaling at 355 ang namatay.

Hindi pa nakapaglalabas ng COVID-19 cases update ang Valenzuela City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)

126

Related posts

Leave a Comment