MABILIS NA VACCINATION IBINIDA NG MANILA LGU

IBINIDA ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na ang kanilang lugar pa rin ang nangunguna sa mabilis na deployment at pagtuturok ng COVID-19 vaccines sa National Capital Region (NCR).

Ayon sa NCR Overall Summary report ng Regional Vaccination Operations Center, lumilitaw na ang Maynila ay nakapagbakuna ng kabuuang 188,146 residente ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccine.

Karamihan umano sa mga nabakunahan ay mga indibidwal na nasa ilalim ng A3 category o persons aged 18 to 59 with comorbidities, sinundan naman ng senior citizens at medical and health frontliners.

Sa kabuuan, nabatid na ang 20% ng 979,136 indibidwal o 7.28% ng kabuuang populasyon, na nabakunahan sa bansa laban sa COVID-19, ay mula sa Maynila.

Sumunod naman sa Maynila na pinakamaraming nabakunahan ang Quezon City na nakapagtala na ng 176,794 na kabuuang nabakunahan ng COVID-19 vaccines.

Ikinatuwa ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang naturang ulat at pinasalamatan ang lahat ng City Hall personnel na nag-overtime upang makapagbakuna ng mas maraming Manilenyo.

Pinasalamatan at binigyan ng komendasyon ng alkalde sina Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, at ang lahat ng teams sa likod ng programa sa pagbabakuna na kinabibilangan ng vaccinators, encoders at iba pang mga kawani sa kanilang sakripisyo at dedikasyon sa trabaho.

Binigyang pagkilala ni Moreno ang mga nabanggit dahil sa pagtugon nila sa panawagan ng alkalde na magtrabaho sa loob ng 14 hours sa panahon ng pagbabakuna at maging Sabado, Linggo at Holidays.

Tiniyak naman ng alkalde na sa sandaling may sapat na dami na ng bakuna na dumating sa lungsod mula sa national government, ay sabay-sabay nang magbubukas ang 18 vaccination sites mula 6:00 AM hanggang 8:00 PM.

Napag-alaman sa report ng LGU na ang pinakamaraming bakuna na naibigay ng lungsod sa mga residente sa loob lamang ng isang araw ay umabot sa 16,261. (RENE CRISOSTOMO)

173

Related posts

Leave a Comment