4 PANG UNIBERSIDAD PINAYAGAN SA FACE-TO-FACE CLASSES

NATUPAD din ang kahilingan ng apat pang unibersidad sa Lungsod ng Maynila na makapagdaos ng limitadong face-to-face classes.

Ito ay makaraang pagbigyan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang kahilingan ng apat na pamunuan ng unibersidad bilang tugon sa pangangailangan ng bansa sa karagdagang mga doktor, nurses at iba pang medical professionals ngayong panahon ng pandemya.

Kabilang dito ang University of the Philippines (UP)-Manila, National University (NU), Emilio Aguinaldo College (EAC) at St. Jude College (SJC).

Dahil dito, umabot na sa 10 unibersidad sa lungsod ang pinahintulutang magsagawa ng pisikal na klase sa paaralan para sa kanilang mga kursong may kinalaman sa medisina.

Una nang inaprubahan ng alkalde ang kahilingan ng University of Santo Tomas, Centro Escolar University, Chinese General Hospital Colleges, Manila Theological College – College of Medicine, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Medicine at Metropolitan Medical Center College of Arts and Sciences para makapagsagawa ng face-to-face classes at clinical training o internship.

Nabatid na pinahintulutan ni Moreno ang kahilingan ng naturang mga unibersidad sa isang pulong sa Manila City Hall dahil na rin sa mahalagang papel ng mga nasa medical profession at allied healthcare services ngayong kasalukuyang may health emergency situation ang bansa.

Inalok pa sa kanila ng alkalde na i-avail ang libreng swab testing na ipinagkakaloob ng city government sa mga nangangailangan nito.

Hiniling din niya sa mga kinatawan ng mga paaralan na hikayatin ang kanilang faculty members at mga estudyante na magpabakuna na para magkaroon sila ng karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.

Ayon pa rito, inaasahan nitong magiging responsable ang school authorities at maging ang mga estudyante na magiging future medical practitioners, upang tiyaking masusunod ang lahat ng safety protocols upang maiwasan ang posibleng hawaan ng virus sa pagbabalik nila sa eskwela.

Ang pag-apruba ni Moreno ay ‘in full compliance’ sa Joint Memorandum Circular No. 2021-001 na inisyu ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Department of Health (DOH). (RENE CRISOSTOMO)

130

Related posts

Leave a Comment