Hindi nagpakamatay QC COP BINARIL NG KAPWA PULIS

NABALIGTAD ang statement na inilabas ng Quezon City Police District (QCPD) na nagsabing nagpakamatay ang isang pulis habang nakikipag-inuman sa kanyang dalawang kasamahan at isang sibilyan sa Brgy. Commonwealth, Quezon City noong Mayo 30, 2021.

Batay sa nakuhang impormasyon ng SAKSI Ngayon, lumalabas na sina P/Cpl. Harold Mendoza, P/Cpl. Sherwin Rebot at isang sibilyan na si Lorenzo Lapay ay pawang suspek sa pagkamatay ni P/Cpl. Higinio Wayan y Calion, 31-anyos, nakatalaga sa QCPD-Kamuning Police Station 10. Ang tatlong suspek ay sinampahan ng kasong murder noong Martes sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon sa unang ulat, ang biktima kasama ang tatlong suspek ay nag-inuman sa inuupahang bahay ni Lapay sa #109 2nd St., Bitoon Circle, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Dakong alas-3:50 ng madaling-araw noong Mayo 30 si P/Cpl. Mendoza ay nagpahinga habang si P/Cpl. Rebot ay nagtungo sa comfort room.

Naiwan umano si Lapay na nakitang kinuha ng biktima ang service firearm ni P/Cpl. Rebot na caliber .40 Glock na naiwan sa ibabaw ng mesa.

Ayon kay Lapay, nilaro ng biktima ang baril at itinutok sa kanyang dibdib sabay sabing “Gusto mo iputok ko pa ito sa sarili ko,” at kinalabit ang gatilyo ng baril na nagresulta ng pagkamatay nito.

Samantala, ayon naman sa source ng SAKSI NGAYON, hindi nagpakamatay si Cpl. Wayan sa halip ay binaril umano ito ni Cpl. Rebot nang magtalo ang dalawa. (JOEL O. AMONGO)

291

Related posts

Leave a Comment