(BERNARD TAGUINOD)
TUMATAGINTING na P1.2 billion ang hinahakot na pusta ng mga e-sabong operator na binigyan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng lisensya para mag-operate ng online sabong.
Ito ang isiniwalat ni Deputy Speaker Bienvenido Abante sa kanyang privilege speech sa Kamara bago mag-sine-die adjournment o pagsasara ng second regular session ng 18th Congress, Miyerkoles ng gabi.
Ayon kay Abante, posibleng mas malaki pa rito ang nahahakot na pusta ng mga e-sabong operator dahil pitong e-sabong website umano ang nag-ooperate gayung tatlo lamang ang binigyan ng PAGCOR ng lisensya na kinabibilangan ng Belvedere Vista Corporation (Sabong Express); Lucky 8 Star Quest Inc. (Pitmasters Live) at E-Sports Encuentro Live Corporation (Encuentro Live).
Bawat website aniya ay 350 sultada kada araw at ang minimum bet o pusta ay P100 kaya tinatayang P5 million umano ang nakukuhang pusta ng bawat e-sabong operators.
“Alam po ba ninyo na ang pinakamahinang pustahan sa kada isang sultada ay 5 million pesos? Ang isang sultada ay tumatagal lamang ng average na limang minuto; kaya may 12 sultada sa isang oras at may gross bets na 60 MILLION PESOS KADA ORAS. I repeat: 60 million pesos per hour. An average of one million pesos per minute, Mr. Speaker, my own colleagues,” ani Abante.
Sa isang araw aniya, sampung oras na tuloy-tuloy ang online sabong kaya aabot ng P600 million ang nahahakot na pusta ng mga operator kada araw.
“Yan ay sa isang licensed operator lamang. Kung tatlo ang kasalukuyang may lisensya, and we do the math, 600 million multiplied by three is 1.2 BILLION PESOS IN GROSS BETS PER DAY. Isipin po ninyo yan, MR. SPEAKER: 1.2 billion pesos na pusta kada araw,” dagdag pa nito.
Online pustahan
Dahil dito, magpapatawag ng imbestigasyon si Abante upang alamin kung anong batas ang pinagbatayan ng PAGCOR para magbigay ng lisensya sa sabong gayung walang batas na nagpapahintulot sa mga ito.
Nais din nitong paimbestigahan ang mga digital payment system tulad ng Gcash, PayMaya at Paypal kung saan umano idinadaan ng mga nagsusugal ang kanilang pusta.
“This representation submits that we need to review current legislation on digital payment systems to ensure that they are not being used for illegal purposes,” ayon pa sa mambabatas.
Digital vote buying
Bukod dito, mas kailangang imbestigahan umano ang mga digital payment system dahil posibleng magamit ang mga ito sa vote buying sa susunod na eleksyon dahil kung ngayon ay nagagamit na ito sa ilegal na sugal ay maaaring magamit din sa pagbili ng boto.
“Mr. Speaker, ang nakakatakot dito ay baka sa darating na halalan, ang vote buying ay maging digital na rin. Dahil nakita na ng mga tao ang gamit ng digital payment systems sa internet gambling, hindi malayong gamitin din ito para sa vote buying,” ayon pa sa mambabatas.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na may mga politikong bumibili ng boto lalo na sa local level kaya kailangang abatan ng Kongreso ang mas madaling pagboto tuwing may halalan.
207 