HIRIT SA GOBYERNO: MAGBIGAY NG LIBRENG SAKAY SA MGA MAGPAPABAKUNA

IGINIIT ni Senador Grace Poe na dapat dagdagan ng gobyerno at ng pribadong sektor ang libreng transportasyon para maihatid ang mga senior citizen, person with disability at mahihirap patungo sa vaccination sites.

Sinabi ni Poe na maaaring gamitin para sa libreng sakay ang P5.58-bilyong Service Contracting Program ng Department of Transportation sa ilalim ng Bayanihan 2 law.

Ang programa ay hindi lang magbibigay ng free rides sa mga nangangailangang sektor, kundi trabaho rin para sa mga drayber na nawalan ng hanapbuhay sa panahon ng pandemya.

“Ang transportasyon ay isang napakahalagang bahagi na hindi dapat kaligtaan sa gitna ng pagpapatupad ng vaccination program ng pamahalaan. Hindi ito dapat maging sagabal sa pangangalaga sa kalusugan,” diin ni Poe.

Idinagdag ni Poe na sa pamamagitan ng libreng sakay, hihimukin nito ang mas maraming tao na magpabakuna at mapalawak ang vaccine access sa mga komunidad.

“Kailangan lang itaguyod ang kumpiyansa ng publiko sa bisa at kaligtasan ng bakuna, gayundin sa kapasidad ng gobyerno sa pamamahala sa mga logistical challenge para maibigay sa tao ang bakuna laban sa virus,” dagdag ng mambabatas.

“Ang tiwala ng ating mga kababayan ang pangunahing sangkap ng ating vaccination program. Kailangang ipakita ng gobyerno na ito ay nasa panig ng taumbayan sa buong proseso ng pagbabakuna,” giit pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

120

Related posts

Leave a Comment