Promotor ng jueteng sa balwarte ni Malapitan GAMBLING LORD ‘RENEL’ PASOK SA CALOOCAN

(NELSON S. BADILLA)

PASOK at nagsimula na ang operasyon ng jueteng ng gambling lord na bantog sa tawag na “Renel” sa Caloocan City kung saan ang alkalde ay si Oscar Malapitan.

Ayon sa impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, napakaraming butas ang pajueteng ni Renel sa Caloocan na araw-araw umano ang tayaan.

Bawat araw, ang bola ng mga mananalong numero ay isinasagawa tuwing 11:00 ng umaga, 4:00 ng hapon at 8:00 ng gabi.

Lumalabas na may pumayag para malayang makapag-operate ng kanyang jueteng si alyas Renel.

Huling taon ni Malapitan sa puwesto dahil matatapos na ang kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.

Pinaniniwalaang tatakbong kongresista si Malapitan, ang orihinal niyang posisyon bago maging alkalde noong 2013.

Ang isasabak niya ay ang anak na si Representative Dale Along Malapitan.

Sa mundo ng ilegal na sugal ay matagal nang paniwala ng publiko at ng mga mamamahayag na mayroong basbas ng pamahalaang lokal at pulisya ang operasyon ng kahit anong klaseng ilegal na sugal.

Kahit saklang patay, sugal sa peryahan, drop ball, video karera, EZ2, lotteng, lalo na jueteng na libu-libong salapi ang pumapasok sa pinansiyer nito.

Sa kaso ni Renel, walang kumpirmasyon ang impormasyon na nagbigay ng “go signal” ang tanggapan ni Malapitan.

Wala ring nakalap na impormasyon ang SAKSI Ngayon kung “ayos” ito sa chief of police (COP) ng Caloocan na si Col. Samuel Mina.

Ngunit, ipinagmamalaki umano ng kampo ni Renel na pumayag ang Philippine National Police (PNP) sa kanyang ilegal na negosyo.

Ang tinutukoy na PNP ay hindi lang ang pulisya sa Caloocan, kundi maging ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na siyang namamahala sa limang distrito sa NCR.

Si Major General Vicente Danao Jr. ang direktor ng NCRPO.

Si Danao na nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) noong 1991 ay pinaniniwalaang papalit kay PNP Chief, General Guillermo Lorenzo Eleazar, kapag nagretiro ito sa Nobyembre 13 ng taong kasalukuyan.

Bahagi ng Northern Police District (NPD) ang Caloocan.

Napag-alaman din ng SAKSI Ngayon na minsan nang pinasok ni Renel ang Caloocan, ngunit isang linggo lang daw ang itinagal nito dahil ipinatigil ni Danao.

Walang kumpirmasyon ang impormasyong ipinarating kung alam ni Danao ang pajueteng ni Renel, o kung paanong nakapasok ulit ito sa Caloocan.

273

Related posts

Leave a Comment