12-15-ANYOS PWEDE NANG BAKUNAHAN

MAAARI na ring mabakunahan laban sa COVID-19 ang mga 12 hanggang 15-anyos.

Ito’y matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang hiling ng Pfizer BioNtech na maamyendahan ang kanilang Emergency Use Authorization (EUA) upang magamit na rin ang kanilang COVID-19 vaccine sa mas mababang edad.

Ayon sa FDA, matapos ang ginawang pag-aaral ay inaprubahan nila na magamit ang COVID 19 vaccine ng Pfizer sa mga nasa edad 12 pataas.

Batay sa nakasaad sa amended EUA ng Pfizer, ang pagitan ng pagturok ng una at pangalawang dose ng bakuna ay tatlong linggo.

Sa kabila nito, nilinaw ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi pa rin nababago ang kanilang prioritization sa pagbabakuna dahil limitado pa ang suplay nito sa bansa.

Inaasahang darating ngayong linggo ang mahigit dalawang milyong Pfizer vaccines laban sa COVID-19.

Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa, inanunsyo ni National COVID-19 task force chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na 2.28 million vaccines mula sa American drugmaker ang darating, sa Hunyo 10 o Hunyo 11.

Ang bakuna aniya ay ide-deliver sa pamamagitan ng COVAX Facility, isang UN-led initiative na naglalayon at nagtataguyod ng equitable access sa COVID-19 vaccines worldwide.

Bukod sa 2.2 million doses, sinabi ni Galvez na nakatakda silang lumagda sa isang kasunduan na makapagse-secure ng 40 million doses ng COVID-19 jabs mula sa US pharmaceutical giant.

Ang bakuna mula sa Pfizer, na gumagamit ng mRNA bilang technology platform, ang kauna-unahang nabigyan ng emergency use authorization sa Pilipinas, nakakuha ng approval ng FDA noong Enero 14. (CHRISTIAN DALE)

508

Related posts

Leave a Comment