NOONG Sabado, ika-12 ng Hunyo, ipinagdiwang natin ang ika-123 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas. Gaya ng taunang selebrasyong ginagawa sa araw na iyon, ginunita rin ng sambayanan ang kabayanihan ng mga kababayan nating buong katapangang ibinuwis ang kanilang buhay sa pagtatanggol sa bayan.
Lingid sa kaalaman ng marami, kabilang ang mga matataas nating opisyal sa palakasan, 52 Filipinong atleta kasama ang siyam na Olympian, na bukod sa nagpakilala ng kanilang kakayahan sa maraming kampanya sa kompetisyong pang-internasyonal ay nagsakripisyo rin ng kanilang buhay sa larangan ng digmaan.
Kabuoang bilang na 19 ang nagdala ng bandila ng Pilipinas sa larangan ng track and field, 10 sa swimming, siyam sa baseball, lima sa basketball, tatlo sa boxing, dalawa sa football, dalawa sa tennis, ang tig-isa sa wrestling at shooting.
Isang plake ng paggunita na may laking 33×24 na pulgada at gawa sa tanso na nakasulat ang lahat ng pangalan ng 52 atleta ang ikinabit sa dingding ng Basketball Coliseum ng Rizal Memorial Sports Complex ng nabuwag nang Philippine Amateur Athletic Federation (PAAF) noong Hulyo 17, 1951 sa pangunguna ng pangulo nitong si Jorge Vargas.
Dumalo sa seremonya ng PAAF ang mga kinatawan ng mahigit 50 national sports association at mga kamag-anak ng mga pinarangalang atleta. Si Letran athletic moderator Rev. Fr. Martin Diez ang tumulong kay Vargas sa seremonya.
Subalit 70 taon na ang nakaraan mula noong makasaysayang araw na iyon, wala ni isa mang opisyal ng mga sumunod na hirarkiya ang nakaalalang gunitain ang kabayanihan ng 52 atletang nagsilbi sa bayan para mapalaya ang Pilipinas sa kamay ng mga dayuhan.
Daang-libo na marahil ang pumasok sa Coliseum mula noong 1951 para manood ng basketball games, international tennis matches, volleyball games at entertainment shows, pero wala man lamang sa kanila ang nakapuna sa plake na sa unang tingin ay isa lamang ordinaryong marker na nagsasaad ng pangalan ng arkitekto at iba pang taong responsable sa pagkakatayo nito.
Ngunit sa masusing pagsusuri ay makikitang nakaukit sa marker ang pangalan ng Olympic medalist na sina swimmer Teofilo Yldefonso, hurdler Miguel White, pito pang Olympian at 43 beteranong internationalist na pinaslang ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Marami sa mga pinarangalan ng administrasyon ni Vargas ay miyembro ng kinatatakutang Philippine Scouts, USAFFE o underground guerrilla unit. Tatlo sa kanila ay kabilang sa pinangalanang “Most Outstanding Filipino Athletes of Half-A-Century” – si Yldefonso sa swimming, Jacinto “Jumping Jack” Ciria Cruz sa basketball at Virgilio Lobregat sa football.
Si Yldefonso, isang Philippine Scout mula Piddig, Ilocos Norte ay kaisa-isang Pilipino na nakapag-uwi ng dalawang sunod na Olympic bronze medal sa 200-meter breaststroke noong 1928 sa Amsterdam at 1932 sa Los Angeles. Binawian siya ng buhay sa kasumpa-sumpang “Death March” mula Mariveles, Bataan hanggang Capas Concentration Camp sa Tarlac.
Si White na tubong Legaspi City sa Bicol ay bronze medalist sa 400-meter hurdles noong 1936 Olympic Games sa Berlin. Habang si Ciria Cruz, kasama ng isa ring basketball Olympian na si Amador Obordo, na miyembro ng Philippine team na nagtapos na panlima sa hanggang ngayo’y pinakamataas na narating ng isang bansang Asyano sa tuwing ika-apat na taong palarong kilala rin sa tawag “The Greatest Sports Show on Earth.”
Si Cruz ay pinaslang ng mga mananakop samantalang gumagawa ng underground work sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Bukod kina Yldefonso, White, Cruz at Obordo, ang iba pang Filipino Olympian na naging biktima ng digmaan ay sina Lt. Nemesio de Guzman ng track and field, Lt. Otoniel Gonzaga ng shooting, Lt. Simplicio de Castro ng boxing, at Lt. Enrique Jurado at Abduraman Ali ng swimming.
Si De Guzman ng Philippine Army ay kasama ng pambansang delegasyon sa IXth Olympiad sa Amsterdam noong 1928. Sina Gonzaga at De Castro ay naglaro sa XIth Games sa Berlin noong 1936. Si Ali ay lumangoy naman sa Xth Olympiad sa Los Angeles kasama ni Yldefonso.
Sina Yldefonso at White ay dalawa sa 11 Olympic medalists na nakatanggap ng “Lifetime Achievement Awards” mula Sports Communicators Organization of the Philippines (SCOOP) noong ika- 80 Anibersaryo ng partisipasyon ng Pilipinas sa Olimpiyada noong 2004.
Bukod kina White at De Guzman, ang iba pang Filipino runner, thrower at jumper na biktima ng giyera ay sina Miguel Sugeco, Sgt. Doming Espanol, Lt. Jose Antonio, Mayor Emilio Bucoy, Wenceslao Bansale, Eliseo Razo, Civico Granado, Maximino Pasaporte, Albino Bangayan, Delfin Danguilan, Lt. Constantino Alambra, Moises Lucas, Felizardo Casia, Francisco Danao, Bartolome Barabad, Alejo Alvarez at Simon Santos.
Ang mga swimmer na sina Rosendo Aguinaldo, Policarpio Tolentino, Donato Cabading, Miguel Bartolaso, Ulka Mangona, Jakara Angkang, Bernardino Tugbo at Mauricio Guidote ay pawang pumanaw bilang mga atleta-sundalo gaya nina Yldefonso at Ali.
Ang mga baseball player na kumatawan sa Pilipinas sa maraming palarong pang-internasyonal kabilang ang Far Eastern Olympic Games – Sgt. Aquilino Jacob, Cpl. Pablo Chu, Sgt. Gervacio Estorba, Atilano Rivera, Cacimiro Francisco, Ramon Oncinian, Toribio Oncinian, Regino Bertulfo at Cipriano Platon. Ang iba pang non-Olympic athletes na nasawing suot ang kanilang unipormeng militar – Carlos Canillas, Albert Murrow at Robert Keesy sa basketball; Francisco Zarcal at Martin Roxas sa boxing, Jose Miranda sa football, at Concepcion Santos-Cepeda at Juan Ladaw Jr. sa tennis.
Si Mrs. Cepeda, matagal naging singles at doubles tennis champion ng bansa, ay kinumpleto ang Santos brother-sister sibling na nasawi noong kasagsagan ng WWII habang nakikipagtagisan ng lakas at talino sa kanya-kanyang sport.
200
