TINIYAK ng pamahalaan na hindi ito makikialam sa unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay OPAPRU Secretary Mel Senen Sarmiento, bahagi ito ng “self-determination” na ipinagkaloob sa BARMM sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
“Unang-una po, hindi mag-interfere. The very reason na ipinasa CAB, ‘yung hiling ng self-determination ng mga kapatid natin sa BARMM,” ani Sarmiento.
“So, meaning to say, hindi makikialam ang kahit anong ahensya ng gobyerno sa election,” dagdag pa niya.
Pahayag ito ni Sarmiento bilang tugon sa tanong hinggil sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) kaugnay ng BARMM polls.
Sinabi rin ni Sarmiento na nakipagpulong na ang OPAPRU sa Commission on Elections at Philippine National Police upang matiyak ang maayos at mapayapang pagsasagawa ng halalan.
Hinimok din niya ang mamamayan sa BARMM na maging matalino sa pagpili ng kanilang mga iboboto.
“At dagdag, sa aming ginagawa ‘yung panawagan na piliin ‘yung kanilang iboboto sa paparating na eleksyon kasi po parliamentary sila. Hindi lang policymaker, hindi lang po legislator ang iboboto nila,” ani Sarmiento.
Ang OPAPRU ang nangunguna sa implementasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagsisilbing legal framework para sa peace process sa Mindanao.
Kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno at Bangsamoro institutions para sa transisyon sa BARMM, pagpapabilis sa normalization track, at pagsuporta sa decommissioning at reintegration ng mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front.
Samantala, sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia na may nakahandang nasa 9,000 tauhan ng Philippine National Police upang magsilbing electoral board members kung sakaling hindi makapaglingkod ang mga guro sa halalan.
Ayon kay Garcia, ginawa ang paghahanda upang hindi na maulit ang nangyari noong 2022 elections kung saan walang gurong nagsilbi sa Cotabato City.
Ang 80-seat BARMM parliament ay binubuo ng 40 kinatawan mula sa political parties, 32 parliamentary districts, at walong sectoral organizations.
(CHRISTIAN DALE)
76 