PALASYO ‘NO COMMENT’ SA CORRUPTION ISSUE VS PBBM

AYAW patulan ng Malakanyang ang “speculation and intrigue” na ulat na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang corruption scandal at sa umano’y pagkuha ng serbisyo ng isang London-based public relations firm upang i-rehabilitate ang kanyang imahe sa international community.

Sa isang Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni PCO Undersecretary Claire Castro na hindi bibigyan ng komento ng Palasyo ang naturang ulat.

“We have no comment on articles based on speculation and intrigue. The Palace deals in facts and is focused on the problems facing Filipinos today, not speculation about events years ago,” ayon kay Castro.

Tinukoy ni Castro ang inilabas na investigative report ng Whale Hunting noong Mayo 19 na nagsasabing ang London-based PR firm na Project Associates ay umano’y nag-alok kay Pangulong Marcos ng $144,000 kada buwan o katumbas ng humigit-kumulang P8.9 milyon na kontrata noong 2022.

Ayon sa ulat, layon umano ng kompanya na i-rehabilitate ang international image ng Pangulo, ayusin ang pagpupulong nito sa Western elites, at pamahalaan ang mga tanong hinggil sa diktadura ng kanyang ama.

Nabanggit din sa report na ang pagkapanalo ni Pangulong Marcos noong 2022 elections ay umano’y umasa sa “historical revisionism” at isang “sophisticated” online disinformation campaign na naglalarawan sa panahon ng batas militar bilang “golden age.”

Iniugnay rin sa ulat si Malaysian businessman Jaya Sudhir, na umano’y nasasangkot sa international bribery at corruption scandals.

Binanggit din sa report ang umano’y pagkakadawit ni dating House Speaker Martin Romualdez sa isyu ng flood control scandal.

(CHRISTIAN DALE)

80

Related posts

Leave a Comment