Obiena, handa nang handugan ang bansa ng Olympics gold

SPORTS FEATURE Ni EDDIE ALINEA

DALAWANG taon matapos pawiin ang 100 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa medalyang ginto sa pang-Asya na lebel ng kompetisyon sa pole vault, ipinamalas ng Filipinong pole vaulter na si Ernest John Obiena ang kanyang kakayahang mahandugan ang bansa ng medalya sa Olimpiyada.

Noong Biyernes (Sabado sa Maynila), nakuhang tumalon ni Obiena sa taas na 5.85 metro para masungkit ang gintong medalya sa kompetisyong tinawag na “Jump and Fly” na ­ginanap sa Mossingen, Germany. Ipinakita niya sa lahat ng aspirante na kaya niyang makapag-uwi ng medalya sa bansa galing Olimpiyada na wala pang sinumang Filipinong nakagagawa mula noong 1919.

Ang XXXII Games of the Olympiad ay gaganapin sa Tokyo sa darating na Hulyo kung saan ay haharapin ng 25-taong gulang na taga-Barrio Obrero sa Tondo ang hamon ng lahat ng magigiting na lalake sa daigdig kabilang ang nagtatanggol na kampeong si Thiago Braz ng Brazil at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.

Wala sina Braz at Duplantis sa Mossingen bagama’t tinalo na niya ang 2016 Rio de Janeiro Olympics gold medalist na si Braz sa Gothenburg Grand Prix sa Sweden noong nakaraang Miyerkoles.

Nakabingwit din ang 2019 Southeast Asian Games gold medalist ng silver medal sa FBK Games sa the Netherlands noon ding nakaraang linggo kung kailan tinalo naman siya ni Duplantis.

Ang 5.85 metrong tinalon ng anak nina dating pole vaulter Emerson Obiena at hurdler Jeanette ay tinabunan ang 5.81 metrong Philippine record na siya rin ang may hawak, nang makapasok siya sa Tokyo Summer Games dalawang taon na ang nakalilipas sa Olympic qualifier na idinaos sa Chiara.

Sinubok sirain ni Obiena ang kanya ring national indoor record 5.86m na naitala sa Lodz, Poland noong Pebrero, pero nabigo siyang lampasan ang 5.93m sa tatlo niyang pagtatangka.

“Got to grind some more before the big day comes,” nasambit ni EJ sa kanyang inang si Jeanette sa isang maiksing pag-uusap noong Sabado bago siya bumalik sa Fornea, Italy kung saan siya naka-base sa nakaraang apat na taon.

Ang gold medal ni EJ sa Germany ay ­pangalawa niya sa indoor competition at pang-apat sa taong ito. Ang dalawa pa ay mula sa Berlin at Dortmund noong nakaraang Pebrero.

Nagpalakas naman ito sa pag-asa ng bansa na maputol ang 85 taong zero medal sa ­athletics sa Olimpiyada mula nang ang hurdler na si Miguel White ay maka-bronze noong 1936 sa Berlin.

Ang gintong medalyang napanalunan ng estudyante ng University of Santo Tomas sa Asian Athletics Championship noong 2019 ay pumutol sa 96 taong pagkauhaw ng Pilipinas sa isang Asian level competition mula nang si Antonino Alo ay talunin ang kanyang mga kalaban sa all-Filipino finals ng pole vault noong 1925 sa Far Eastern Games na idinaos sa Maynila.

Ang taong iyon ang kahuli-hulihan sa anim na taong paghahari ni Alo sa pole vault sa FEG. Ginapi ni Alo noon ang mga kababayang sina Numeriano Tagavilla (silver), Miguel Sugeco at Carlos Mejiliano (bronze).

215

Related posts

Leave a Comment