Nagpabaya sa tungkulin 3 CALABARZON COP SINIBAK

LAGUNA – Sibak sa pwesto ang tatlong chief of police sa Calabarzon dahil sa hindi pagsunod sa internal cleansing policy (ICP) na iniutos ni Philippine National Police chief, Gen. Guillermo Eleazar.

Ayon kay Police Regional Office 4 (CALABARZON) director, Brig. Gen. Eliseo DC Cruz, tanggal sa pwesto sina Pagsanjan, Laguna police chief, Capt. Ruffy Taduyo; Malvar, Batangas police chief, Capt. Emiliano Camama, at General Emilio Aguinaldo, Cavite police chief, Capt. Ricky Gonzales.

Pumalit kay Taduyo bilang chief of police ng Pagsanjan si Maj. Clemente Garcia III, habang si Capt. Aldrin Basya naman ang pumalit kay Malvar chief of police, Capt. Camama.

Si Capt. Jojit DC Ramos ang bagong chief of police ng General Emilio Aguinaldo Municipal Police Station.

Sinabi ni Cruz, ang tatlo ay nasibak dahil sa hindi agad na pagpapatupad ng ICP sa kanilang hanay upang mapaganda ang kanilang reputasyon at imahe lalo na sa mga opisyal.

Aniya, sa Lalawigan ng Laguna, “Pagpasok ko ng Pagsanjan tumambad sa akin ang parang minek-apan na hamba na puno ng anay. Pagdating naman sa Batangas, walang opisyal akong inabutan kahit 1, 2, 3 na opisyal, wala akong inabutan, dumating nga naka-tsinelas at naka-shorts pa. Paano ka igagalang n’yan kung makita ang isang COP na ganyan ang hitsura?”

Dagdag pa nito, sa Gen. Emilio Aguinaldo ang matindi, nakapagsumbong aniya sa I-Sumbong hotline ang mag-asawang sibilyan dahil pinaputukan umano ng baril ng ilang beses ni SPO2 Jayson Lopez na nagnenegosyo ng fertilizer. Hindi makabayad sa utang ang mag-asawa kaya tinakot ang mga ito.

Sa ngayon, patuloy ang pagsasagawa ni Cruz ng surpresang pagbisita sa mga himpilan ng pulisya sa iba’t ibang lalawigan.

Nasa 61 police stations na ang kanyang nainspeksyon mula nang maupo bilang RD ng Rehiyon 4-A noong nakaraang buwan. (CYRILL QUILO)

183

Related posts

Leave a Comment