Naunsyaming ‘trabaho’, ikinagalit ng opisyal? COLLECTOR NG NAIA, IMBESTIGAHAN

NARARAPAT lamang pakinggan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hinaing at panawagan ng mga empleyado ng Bureau of Customs (BOC) na imbestigahan ang Acting Chief ng DHL Customs Assessment Compo­site Unit na si Ronald Moreno, sapagkat naka­pagdududa ang ‘galit’ nito sa mga kawani ng nasabing yunit, samantalang ginampanan nila nang maayos ang kanilang trabaho.

Base sa nakuhang dokumento ng SAKSI Nga­yon, ipinaabot ni Moreno ang reklamo laban sa mga kawani ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) na nakadestino sa kanyang bodega sa tanggapan ni Ninoy Aquino International Airport (NAIA) District Collector Carmelita M. Talusan.

Sa reklamo ni Moreno, ang kanyang tanggapan daw ay nakatanggap ng mga impormasyon laban sa ilang operatiba ng CAIDTF na kumikilos umano nang taliwas, o ‘di tumutugma, sa kanilang mandato.

Dahil dito, siya ay naglabas ng rekomendasyon na naglilipat sa ibang bodega sa nasabing mga operatiba.

Nangalap ng impormasyon ang SAKSI Nga­yon upang malaman ang mga isyung bumabalot sa kontrobersiyang pinanggalingan ng himutok ng Acting Chief.

Nabatid na noong Hunyo 7, naghain ang opera­tiba ng CAIDTF ng pormal na kahilingan upang maisyuhan ng alert order ang isang kargamento na naglalaman umano ng Agrastrip Allergen Milk na naka-consign, o nakapangalan sa ARIELA MARKETING CO., INC dahil sa posibleng nalabag nito ang Seksiyon 1117 ng Republic Act 10863, ang Joint Department of Health (DOH) and Department of Agriculture (DA) Administrative Order (AO) No. 2013 at ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Mabilis namang kumilos si NAIA District Collector Talusan at noong Hunyo 28, tuluyan itong nag-isyu ng “Warrant of Seizure and Detention” laban sa nasabing kargamentong nakapangalan sa ARIELA MARKETING.

Batay sa pangyaya­ring ito, tuluyan umanong nagalit si Acting Chief na nagresulta sa kanyang pormal na kahilingang tanggalin ang mga opera­tiba sa kanyang pinamumunuang bodega.

Napag-alaman ng SAKSI Ngayon na nadismaya nang husto ang mga kawani sa inasal ng Acting Chief, sapagkat tila “nagalit pa ang kanilang hepe matapos nilang gumawa ng tama”.

Kaya, minabuti nilang tawagan ng pansin ang NBI dahil demoralisado sila nang todo sa ‘di katanggap-tanggap na inasal ng Acting Chief sa kanila. (NELSON S. BADILLA)

185

Related posts

Leave a Comment