RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGSIMULA na nga noong Lunes (July 6, 2026) ang pagdinig sa isinampang impeachment complaint kay VP Sara Duterte.
Sa unang pagdinig ay hindi dumalo ang bise presidente bagkus ang humarap dito ay ang kanyang mga abogado.
Pinagbotohan din kung sino ang magiging presiding officer sa pagdinig kung saan naiboto si Sen. Chiz Escudero na mariing kinondena ng mayorya.
Ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano, dapat ay ang Senate president ang tatayong presiding officer at hindi kailangang pagbotohan. Ganito rin ang sinabi ng kanyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano.
Ilang beses nang nagkaroon ng pagdinig sa kasong impeachment ang Senado, pero ito ang unang pagkakataon na isang bise presidente ang isasalang.
Nagbigay rin ng pahayag ang prosecution panel sa pangunguna ni Cong. Gerville Luistro, na siyang tumatayong lead prosecutor.
Ngayon pa lang na hindi pa nagsisimula ang pagdinig, sinabi nga ni Sen. Escudero na kailangan nila ng 16 na boto para mapatalsik sa pwesto ang bise presidente, marami na ring sinasabi ang mamamayan sa maaaring maging resulta ng pagdinig.
Alam naman natin na marami pa rin talaga ang mga tagasuporta ni VP Sara, siguradong aalma ang mga ito sakaling mapatalsik ang bise presidente, at sasabihing hindi patas ang mga senator-judge. Ituturo nilang dahilan ang pamumulitika kaya ito natalo.
Sa kabilang banda, sakaling ma-acquit o maibasura ang impeachment case sa bise presidente, marami rin sigurado ang aalma at magpoprotesta dahil marami na rin ang may ayaw sa bise presidente. Ikakatwiran ng mga ito malamang, ang pagiging maimpluwensya ng mga Duterte.
Siguradong magkakagulo anoman ang maging resulta.
Hawak ngayon ng Senado ang kahihinatnan ng bansa. Nasa kamay nila ang pagdedesisyon kung ano ang mangyayari sa mga susunod na panahon.
Nasa kamay naman ng prosecution na patunayan ang kanilang kaso. Kailangan nilang maghain ng mga ebidensyang magbibigay-linaw sa mga senador sa kanilang magiging desisyon.
Hindi lang basta akusasyon, dapat ay mailatag nang maayos ng prosekyusyon ang kanilang mga ebidensya na mas maiintindihan ng publiko o ng masa kung ano ang totoo.
Kailangang maging patas at transparent sa pagdinig na ito upang malaman ng taumbayan kung guilty ba o hindi ang bise presidente sa mga akusasyong ibinabato sa kanya.
77 