ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO
SA Bureau of Customs (BOC), mabilis ang parusa—pero pag gantimpala na, biglang urong-sulong.
‘Yan ang mapait na katotohanan sa ilalim ng Republic Act 9335 o “Lateral Attrition Law.” Dapat balanse: parusa sa pumapalya, reward sa lumalagpas.
Pero sa aktuwal? Parusa lang ang siguradong dumarating.Kapag kulang ka sa target kahit 3 porsiyento—tanggal ka agad sa pwesto.
Kapag mas malala, demotion. Kapag lagpas 10 porsiyento ang sablay—sibak.
Walang delay. Walang palusot.
Pero ‘pag reward?
Tahimik. Mabagal. Paasa.
Noong 2018, nangako ang BOC na may milyun-milyong incentive kung lalampas sa target.
At lumampas nga—bilyun-bilyon pa ang koleksyon.
Ginawa ng mga empleyado ang trabaho nila.
Ang gobyerno? Hindi.
Umabot pa ng limang taon bago inanunsyo ang bonus.
At hanggang ngayon, marami pa rin ang naghihintay.
Mas nakaiinit ng ulo: ayon sa mapagkakatiwalaang source, wala nang legal na hadlang.
Tapos na ang computation. Legal ang release.
Ibig sabihin—pwede na.
At hindi maliit na halaga ito.
Posibleng umabot sa milyon kada empleyado.
Isang “one-time, big-time” na matagal nang inaasam.
Kaya ang tanong: ano pa ang hinihintay?
Mas lalong nakapagtataka ang katahimikan ng samahan ng mga empleyado.
Sa halip na ipaglaban ang agarang release, tila may ibang agenda.
Habang naghihintay ang mga miyembro, walang malinaw na paninindigan.
Walang pressure. Walang urgency.
Bakit?
Hindi na ito simpleng delay.
Isyu na ito ng kredibilidad.
Anong klaseng sistema ang mabilis magparusa pero tamad magbigay ng reward?
Nagtrabaho ang mga tao. Umabot sa target. Sumobra pa.
Ang hinihingi nila ay hindi pabor—kundi karapatan.
Kung patuloy itong maaantala, malinaw ang mensahe: sa sistemang ito, obligado kang managot—pero ang pangako, optional lang.
Dapat hindi ganito.
Panahon na para kumilos ang dapat kumilos.
At para sa mga dapat magsalita—magsalita na.
****
Email doroniojunex777@gmail.com
62 