Kailangang ligtas sa COVID-19 GUERRERO: BAKUNAHAN ANG BOC EMPLOYEES

INIATAS ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero na tiyaking mabakunahan ang lahat ng kawani ng ahensya upang masigurong ligtas sila mula sa coronavirus disease – 2019 (COVID-19).

Nagsimulang lumarga ang vaccination program ng BOC noong Hunyo 19 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sumunod na isinagawa ang pagbabakuna sa BOC Office of the Commissioner (OCOM) Grounds, Port Area, Manila nito namang Hunyo 25.

Ayon sa press statement ng BOC, ang aktibidad ay inilunsad “in partnership with the Inter-Agency Task Force (IATF), Manila Health Department, and the Department of Health (DOH)”.

Ang tema ng proyekto ay: “RESBAKUNA KASANGGA NG BIDA: Halina’t magpabakuna at sama-sama tayo sa BIDA Bakunation!”.

Umabot sa 630 dosis ng Sinovac vaccines ang ipinanturok sa mga empleyado ng Port of Manila (POM).

Aprubado ito ng pambansang pamahalaan dahil bahagi ng A4 priority group ang mga kawani ng BOC.

Ang nasabing vaccination program ng BOC ay pinangunahan ni Guerrero habang buhay na testigo sina IATF Testing Czar, Secretary Vivencio Dizon, DOH Director of Supply Chain Management Service, Dr. Ariel Valencia at Manila Health Department – Acting City Health Officer, Dr. Arnold Pangan.

Dumalo rin sa aktibidad ang BOC Deputy Commissioners, POM District Collector Michael Angelo DC Vargas at NAIA District Collector Carmelita M. Talusan.

Pinuri ni Dizon ang sistema ng implementasyon ng programang baksinasyon ng BOC.

“On behalf of the Filipino people and everyone, mara­ming salamat po sa inyong lahat para sa serbisyo n’yo. Hindi po namin magagawa ito nang wala kayo,” paha­yag ni Dizon.

“Alam n’yo po ang Israel, 9.2M people compared to our 110M, pero sabi nga ng mga Israeli advisors ‘ehh yung Pilipinas pa pala mas mabilis pa samin’ kasi sila naabot nila yung 9.2 in 6 months. Tayo po makakapag 1st dose tayo, 10M in only 4 months since March”, patuloy ng kalihim.

Tiniyak naman ng liderato ng BOC, sa pangunguna ni Commissioner Guerrero, na tuluy-tuloy ang pagbabakuna sa mga kawani ng ahensiya upang maging ligtas sila habang masusing gina­gampanan ang kanilang mga trabaho. (JOEL O. AMONGO)

181

Related posts

Leave a Comment