LITERAL na nakaukit na kay Filipina skateboarder Margielyn Didal ang pagiging Olympian.
Katunayan ay nagpatattoo siya ng Olympic rings makaraang mag-qualify sa Tokyo Games na gaganapin sa Hulyo-Agosto.
Lumahok ang 22-anyos na Cebuana sa dalawang Olympic qualifying tournaments sa Amerika at Italy nitong Mayo at Hunyo na naging daan upang tuluyan siyang makapasok sa Summer Games.
Sa kanyang Instagram post kahapon ay ipinagmalaki ng 2018 Asian Games at 2019 Southeast Asian Games gold medalist na si Didal ang bago niyang tattoo.
Ang Olympic rings ay simbolo ng kada apat na taong Games.
Samantala, ibinahagi kamakailan ni national coach Dani Bautista na magkakaroon muna sila ng training camp sa Los Angeles bago lumipad papuntang Tokyo sa Hulyo 18. (ANN ENCARNACION)
