Ni JOEL O. AMONGO
AABOT sa P2 bilyong halaga ng mga pekeng produkto ang winasak ng Bureau of Customs – Port of Manila (BOC-POM) sa Meycauayan, Bulacan nitong Sabado.
Ang mga nasabing produkto ay resulta ng operasyon ng Intellectual Property Rights Division (IPRD) ng intelligence group ng BOC laban sa mga negosyanteng gumawa ng pekeng produkto ng mga sikat na kumpanya.
Dinaluhan nina POM Deputy Collector for Operations, Atty. Liza Sebastian; Auction and Cargo Disposal Division Chief (ACDD), Atty Enrico Turingan III; Intellectual Property Rights Division (IPRD) Chief Dominic Garcia; mga miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS); kinatawan ng National Committee on Intellectual Property Rights (NCIPR); at, kinatawan ng iba’t ibang kumpanya.
Idiniin ng liderato ng POM na ang BOC ay nakatuon sa paglaban at pagsugpo sa pagpasok ng mga pekeng produkto sa bansa alinsunod sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Sa kabilang banda, nagbabala rin ito sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga pekeng produkto dahil mayroon itong negatibong epekto sa kalusugan ng tao.
(Joel O. Amongo)
