ARESTADO ang isang 49-anyos na lalaki makaraang nahulihan ng baril at shabu sa ikinasang law enforcement operation ng mga tauhan ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo sa Legazpi City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni P/BGen. Jonnel Estomo, bandang alas-10:52 noong Lunes ng umaga nang nadakip ng kanyang mga tauhan ang suspek na si Waren Baldon Malab sa bahay nito sa Purok 8, Brgy. 32 San Roque, Legazpi City.
Nakuha sa suspek ang isang ‘di nabatid na kalibre ng SW Edge pistol, at isang magazine na loaded ng limang bala.
Nabatid na isinilbi ng pinagsamang puwersa ng Legazpi City Police Office; 2nd Albay PMFC; PIU-Albay PPO; at SRT-RMU5 ang search warrant no. EML-21-164 sa suspek para sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, na ibinaba ng RTC, Legazpi City.
Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nakumpiska rin sa suspek ang isang sling bag na naglalaman ng isang green plastic na nakasilid ang siyam na heat sealed sachet na naglalaman ng 23 gramong hinihinalang shabu na tinatayang P156,400 ang halaga, at drug paraphernalia.
“Hindi tayo makokuntento sa kung ano lamang ang nakikita na ating mga mata, bagkus patuloy tayong magiging masigasig upang matukoy ang pinaka-ugat ng kriminalidad sa ating pamayanan. Mas pagsisikapan nating makapaghandog ng dekalidad na serbisyo sapagkat iyon ang nararapat sa ating mamamayan, kaya naman binabalaan ko ang mga wanted persons at mga taong lulong sa ilegal na gawain, bilang na ang inyong mga araw na malaya, pasasaan ba’t kayo ay malalambat ng ating mga kapulisan,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)
178 