P305-B PORK BARREL PARA SA 2019

SALIKSIK

ISA sa mga ipinasa ng Kongreso bago magsara ngayong Marso ay ang P3.757 trilyong badyet ng administrasyong Duterte para sa taong kasaluku­yan.

Naantala ang pagpasa nito matapos ilantad ni Senador Panfilo Lacson ang pagsingit ng multibilyong pork barrel ng mga kasapi ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa P3.757 bilyong badyet.

Nailantad ang P2.4 bilyon sa distrito ni Speaker Gloria Macapagal – Arroyo sa Pampanga at P1.9 bilyon naman sa distrito ni Rep. Rolando Andaya Jr. sa Camarines Sur.

Sabi ni Andaya, 99 na mga miyembro ng Kongreso ang higit na mataas sa pork barrel nila ni Arroyo.

Mayroon ngang P8 bilyon.

Malalaki rin ang pork barrel ng ilang senador.

Kaya, hindi nakapagtatakang walang sumuporta kay Lacson nang isa-isa niyang inilantad sa media ang bilyun-bilyong pera na isiningit sa mga proyektong gustong pondohan ng mga mambabatas.

Maging ilang kontratista na may kaugnayan sa pamilya ng asawa ng anak ni Budget Sec. Benjamin Diok­no ay nabukong nakakopo ng milyun-milyong halaga ng mga proyektong nakatoka sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Idiniin ni Andaya na si Diok­no ang ‘utak’ sa pagkakaroon ng pork barrel sa 2019 badyet ng pambansang pamahalaan.

Kung pagsasamahing lahat, P305 bilyon ang pork barrel para sa 2019 badyet.

Ang P305 – B ay mas malaki ng 14 na ulit sa pork barrel noong 2013.

Ibig sabihin, napakatakaw sa pera ng mga mambabatas ng ika-17 Kongreso.

Alam naman nilang bawal ang pork barrel, sapagkat nagpasya na ang Korte Suprema na labag sa Saligang-Batas ang pork barrel.

Ngunit, nagkaroon pa rin ng P305 bilyong pork barrel – uulitin ko, 14 na ulit ang inilaki nito kumpara noong 2013.

Syempre, karamihan sa kanila ay itinangging mayroong pork barrel.

Para sa kanila, ang mayroon ay pondo para sa napakaraming proyekto na matagal na umanong kailangan ng mamamayan.

Hindi ako magtataka kung bakit nanalo ang kapritso ng mga kongresista.

Lahat naman ay kaya nilang gawin, sapagkat napakatalas mag-isip ng pinuno nilang si Arroyo na siyam na taong naging pangulo ng bansa.

Nang maging speaker ni Arroyo, mabilis na nagawa ng Mababang Kapulungan na ipasa ang panukalang pagbabago sa Saligang-Batas upang maging federal na ang pampolitikang Sistema kung saan ang naging pokus ng pangkat ni Arroyo ay pagtitiyak na walang limitasyon ang termino ng mga mambabatas at pagtitiyak na manatili ang political dynasty.

Tiniyak din ng pangkat ni Arroyo na hindi maaa­ring makita ng mamamayan at lalong-lalo na ng media ang Statements of Assets and Lia­bilities of Net Worth (SALN) nang hindi dumadaan sa ‘prosesong’ itinakda ng mga kongresista.

Ang layunin nito ay upang hindi makita ang patu­loy na paglaki at paglawak ng kanilang kayamanan. Kaya, ligtas ang P305 bilyon sa mata ng publiko at media.  (Saliksik / NELSON S. BADILLA)

158

Related posts

Leave a Comment