LIMANG taon nang naipanalo ng Pilipinas ang kasong isinampa laban sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) dahil sa pananakop nila sa ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Pero, hindi pa ramdam ng lahing kayumanggi ang tagumpay na ito dahil nagkataon naman na makaraang manalo tayo sa kaso ay matalik na kaibigan pala ni Chinese President Xi Jinping ang nanalong pangulo ng Pilipinas noong 2016.
Nang manalo tayo sa kaso, isa ako sa naniwala na sasakay na talaga si Pangulong Rodrigo Duterte sa jetski at pupunta sa mga teritoryong inukupahan ng China sa WPS para taniman ng bandila ng Pilipinas.
Hindi ‘yun nangyari dahil magkaibigan pala sila ng pinaka-bully na naging pangulo ng China at kailan lang, tinawag ng ating pangulo na “estupido” ang mga naniwala sa kanya na sasakay siya sa jetski para igiit ang karapatan ng Pilipinas sa mga inokupahang teritoryo natin.
Kasama ako sa mga estupido dahil naniwala ako sa kanya na sasakay nga s’ya sa jetski, lalo na noong ibaba ng PCA ang kanilang desisyon na pag-aari ng Pilipinas ang lahat ng teritoryo na ilegal na inokupahan ng China sa WPS.
Itinuring ng ating pangulo na isang uri lang ng papel ang desisyon ng PCA na puwedeng itapon sa basurahan na lalong nagpalakas sa loob ng China, kaya imbes na bawasan ang kanilang mga militia vessels sa WPS ay lalo pa nilang dinagdagan.
Pero, patapos na ang termino ni Pangulong Duterte at umaasa ako na ang susunod na pangulo ng bansa ay igigiit talaga ang ating karapatan sa WPS na ginawa nang military bases ng China para tapatan ang puwersa ng United States sa Asia Pacific Region.
Sana, ang susunod na pangulo ay hindi lang nambobola at talagang ipaglaban ang ating karapatan at ipagsigawan sa buong mundo na “Atin ang Pinas”.
Sana, Pinas muna bago China.
Alam natin na wala tayong laban sa China pagdating sa military, pero napatunayan sa kasong ito na hindi kailangang magkagyera para magtagumpay tayo sa ating ipinaglalaban.
Ang kailangan lang ay magkaroon tayo ng matatag na lider na ipaglalaban tayo laban sa mga dayuhan na nagsasamantala sa ating kahinaan at hindi maging sunud-sunuran dahil sa mga pangako nilang pautang.
Tama na kailangan natin ng mga karagdagang kaibigan, pero dapat kaibigan na hindi pagsasamantalahan ang ating kahinaan at binubully at binabantaan tayo dahil alam nilang wala tayong laban sa kanila.
Pero, nanghihinayang ako sa pagkakataon ni Pangulong Duterte na maging “bayani” ng Pilipinas.
Pinakawalan niya ang pagkakataong ito nang balewalain niya ang panalo ng Pilipinas laban sa China.
Maisusulat sana sa kasaysayan na siya ang nagpatupad ng panalo natin sa PCA at siya ang nakapagpalayas sa China, pero magiging kabaliktaran ang tekstong isusulat ng mga historian na mababasa ng mga susunod na henerasyon.
Minsang inamin niya na nangarap din siyang maging bayani, pero pinakawalan niya ang pagkakataon na matupad ito dahil sa pagbabalewala sa panalo natin laban sa China.
Sana, maihahanay siya sa mga bayaning si Gat Jose Rizal, ang idol kong si Andres Bonifacio at Gen. Antonio Luna, Gabriela Silang at iba pang mga ninuno natin na bumangga sa mga dayuhang nanakop sa ating bansa at hindi inisip na dambuhala ang bansa ang kanilang babanggain.
556
