PANAGHOY NG INA SA ANAK NA NAKAKULONG SA SAUDI

ISANG tawag sa telepono ang aking natanggap mula sa nanay ng isang kabayani sa Riyadh, Saudi Arabia.

Hindi mapigil ni nanay Regina ang mapahagulgol nang husto para matulungan ang kanyang anak na si Frederica Darjuan.

Si Frederica ay namasukan bilang caregiver sa Saudi Arabia.

Ayon kay nanay Regina, mahigit dalawang taon nang nakakulong ang kanyang anak sa Malaz Deportation Jail.

Hindi niya batid ang tunay na dahilan ng pagkakakulong ng kanyang anak.

Labis–labis ang pag-aalala niya sa kanyang anak dahil iniinda niya ang karamdaman ng anak.

Mayroong nakitang pitong malaking bukol sa obaryo ni Frederica na siyang sanhi ng kanyang panghihina.

Bukod sa kalagayan ng kanyang anak sa kulungan, nakiusap din si nanay Regina na matulungan siya sa kanyang pang-araw-araw na gastusin para sa kanyang pagkain.

Simula nang makulong si Frederica ay wala na siyang ibang napagkunan ng pera para sa kanyang pangangailangan.

Sabi niya, umaasa na lamang siya sa mga bigay ng kanyang mga kapitbahay, o mga kakilala.

Bukod sa panawagang matulungan ang kanyang anak, nakiusap din siya na kung maaari ay mapadalhan ko siya ng tulong pinansiyal para sa kanyang pagkain.

Ipinarating ko sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Overseas Operation’s Division ang kahilingan ni nanay Regina tungkol sa kanyang anak na agad naman inaksyonan at nakipag-ugnayan ito sa Philippine Embassy.

Samantala, ang AKOOFW ay magtutungo sa tahanan ni nanay Regina upang personal na malaman ang kanyang tunay na kalagayan.
Pagsisikapan natin na mabigyan ng tulong si nanay Regina.

Sa kabilang banda, noong nakaraang Biyernes sa ­aking programang Bantay OFW, kasama si Alden Estolas sa DWDD 1134 KHz, aking nainterview ang OFW sa Kuwait na si John Rodriguez.

Sa simula pa lamang ng interview, humagulgol ito dahil dalawang oras bago magsimula ang programa ay namatay ang kanyang asawa na naiwan niya sa Kuwait.

Umuwi si John sa Pilipinas para magbakasyon, ngunit hindi agad nakabalik sa Kuwait dahil hindi pa siya bakunado.

Tinamaan ng COVID – 19 ang kanyang asawa at namatay.

Mabuti na lamang ­naisalba ang kanyang anak na nasa sinapupunan pa.

Nailibing na ang asawa ni John Rodriguez at ang kanyang bagong silang na anak ay ­ating ipinakiusap kay Welfare Officer Lyn Perez na dalawin araw-araw.

Kahapon, nagpadala si John ng video kung saan kitang-kitang mabuti ang kalusugan ng kanyang anak.

Ipinakiusap naman ng AKOOFW sa gobernador ng Palawan na isama si John sa mababakunahan ngayong linggo upang makabalik na siya sa Kuwait at makapiling ang kanyang anak.

245

Related posts

Leave a Comment