HINDI umano makakaasa ng kahit isang boto ang ‘pangkat’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga militanteng mambabatas sa darating na eleksyon dahil kailangang wakasan ang kanilang pamumuno.
Ito ang siniguro ng Makabayan bloc sa Kamara na dating sumuporta kay Duterte noong 2016 election na naging dahilan kung bakit nagkaroon ang ilan nilang kaalyado ng posisyon sa gobyerno subalit tinanggal din sila kalaunan.
Sa press conference, sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na sinoman ang makakalaban ng standard bearer ng administrasyong Duterte sa susunod na eleksyon ay doon umano sila kikiling o susuporta.
Sa ngayon ay wala aniyang partikular na kandidato ang Makabayan bloc “pero ang tiyak susuportahan ng koalisyong makabayan ay isang kandidatong lalabanan ang sinomang kandidato ni Pangulong Duterte”.
“Doon (kalaban ng manok ni Duterte) kikiling ang Makabayan bloc dahil sa aming panawagan na dapat wakasan na ang kasalukuyang pamamahala ng pangkat ni Duterte at huwag na itong payagan pang magpatuloy pa beyond 2022,” dagdag pa ng kongresista.
Sa ngayon ay nangunguna si Davao City Mayor Sara Duterte sa survey sa presidential race habang ang kanyang ama ang nangunguna sa vice presidential wannabes.
Gayunpaman, hindi ito ikinababahala ng grupo ni Zarate dahil maaga pa umano para sabihin na ang mag-amang Duterte ang mamumuno sa bansa sa susunod na anim na taon o mula Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30, 2028.
“Yung usapin ng surveys sa tingin ko napakaaga pa para sabihing maging indicator ito kung ano ang kahihinatnan ng eleksyon sa susunod na taon. Malaki pa ang puwedeng magbago sa mga sinasabing survey na ito,” ayon pa sa mambabatas.
Saka lang aniya magkakaalaman sa araw mismo ng halalan subalit ang malinaw ay hindi na papayagan umano ng mayorya ng mga Filipino na magpatuloy sa pamumuno ang pangkat ni Duterte. (BERNARD TAGUINOD)
