MISOR SINAMANTALA NG ROXAS

TINABUNAN ng Petra Cement-Roxas ang kulang sa players na MisOr, 113-87, Sabado ng gabi para patatagin ang kampanya sa 2021 Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup Mindanao leg sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.

Ibinaba ng Vanguards ang 30-18 run sa second period para sa 19 puntos na kalamangan sa halftime, 58-39. Nagpatuloy ang mainit na opensa ng Roxas para tuluyang ibaon ang ­Authoritea, 94-62, tungo sa ika-apat na panalo sa anim na laro.

Naglaro ang Misor na wala ang key players dahil sa injury na sina JR Cawaling (hamstring), Jayson Ballesteros (back spasms), Reil Cervantes (Achilles tendinitis), Ralph Salcedo (back), Andoy Estrella (back spasms), Lucas Tagarda (ankle sprain), Mark Sarangay (back spasms) at Paul Sanga (hand).

Nanguna sa Roxas si James Castro sa iskor na 17 puntos, walong assists at limang rebounds, habang kumana ang homegrown na sina Jordan Intic ng 14 puntos at RJ Deles 13 puntos.

Bagsak ang Brew Authoritea sa 2-5, kasosyo ang Kapatagan sa No.7.

156

Related posts

Leave a Comment