MAS MAHIGPIT NA PASSENGER VERIFICATION SA MOTORCYCLE TAXI, ISINUSULONG NI REP. GUTIERREZ

NANAWAGAN si 1-Rider Party-list Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez na ipatupad ang mandatory at mas mahigpit na passenger verification measures sa mga motorcycle taxi service upang maprotektahan ang mga rider laban sa mga kriminal.

Ayon kay Gutierrez, dapat isama sa mga hakbang ang ID verification, facial recognition at mas mahigpit na booking safeguards upang maiwasan ang mga insidenteng katulad ng pagpatay kina rider Ren Ren De Laviga at Move It rider Fabio Norberte Jr.

Si De Laviga ay binaril umano ng kanyang pasahero habang bumiyahe mula Maynila patungong Carmona, Cavite, habang si Norberte naman ay sinaksak ng ice pick ng isang pasahero sa Caloocan City.

Sinabi ni Gutierrez na nagsagawa na siya ng konsultasyon sa mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) companies upang makabuo ng mga bagong polisiya para sa kaligtasan ng mga motorcycle taxi riders.

Kasabay nito, muling iginiit ng mambabatas ang agarang pagpasa ng House Bill No. 4416 o ang Motorcycle Taxi Act na layong magpatupad ng komprehensibong regulasyon at mga hakbang sa kaligtasan ng industriya.

Aniya, magbibigay ang panukalang batas ng mas matibay na proteksyon at seguridad sa kabuhayan ng libu-libong motorcycle taxi riders sa bansa.

(TINA MENDOZA)

61

Related posts

Leave a Comment