CLICKBAIT ni JO BARLIZO
LUMAMPAS na sa diplomasya o usaping legal ang nagaganap sa ating mga karagatan ngayon; ito ay isa nang lantarang krisis ng seguridad at buhay. Nitong Lunes, Hulyo 20, 2026, nasaksihan ng bansa ang magkahiwalay ngunit parehong nakahihindik na trahedya. Habang pinagpapalo ng baton ng China Coast Guard (CCG) ang ulo ng ating sundalo sa West Philippine Sea, dalawang Pilipinong seafarers naman ang nasawi sa malubhang drone strike sa Black Sea. Hatid nito ay dalawang mensahe: ang Pilipino ay sugatan sa sarili nitong bakuran, at pain naman sa digmaan ng mga dayuhan sa ibayong dagat.
Unahin natin ang tila wala nang katapusang pambu-bully ng China sa West Philippine Sea. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), lantarang pumasok ang isang rigid-hull inflatable boat ng CCG sa bisinidad ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal upang kumuha ng mga larawan at video. Nang magpadala ang ating pwersa ng dalawang rubber boat upang paalisin ang mga trespasser, marahas na pamamalo ng kahoy na baton sa ulo ng isang sundalong Pilipino ang naging tugon ng mga Tsino. Nasira pa ang rubber boat ng ating Philippine Navy.
Ang insidenteng ito ay naganap ilang oras lamang matapos ianunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magkikita ang mga top diplomat ng Pilipinas at China sa isang regional summit sa Maynila ngayong linggo.
Anong klaseng diplomasya ito? Paano ka makikipag-usap nang tapat sa isang kapitbahay na habang nakikipagkamay ay may hawak na pamalo sa kabilang kamay?
Sa kabila ng desisyon ng international arbitral tribunal na walang legal na batayan ang malawak na pag-aangkin ng China, patuloy ang kanilang illegal, coercive, aggressive, and deceptive actions. Karapat-dapat lamang purihin ang propesyunalismo ng ating AFP na sumunod sa batas, ngunit ang pag-agos ng dugo ng ating sundalo sa sarili nating teritoryo ay isang malaking sampal na hindi na natin maaaring palampasin sa pamamagitan lamang ng mga diplomatikong protesta.
Heto pa, habang ipinaglalaban natin ang ating soberanya sa Ayungin, isang mas malaking trahedya naman ang sumalubong sa ating mga makabagong bayani sa Black Sea. Kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na dalawang Pilipinong seafarers ang nasawi, 12 ang sugatan, at isa pa ang nawawala matapos tamaan ng drone strike ang kanilang barko.
Ang Black Sea, na idineklara ng International Bargaining Forum (IBF) bilang isang “high-risk” area dahil sa tensyon at digmaang kinasasangkutan ng mga pandaigdigang kapangyarihan tulad ng US at mga kaalyado nito laban sa mga kalaban sa rehiyon, ay naging isang death trap para sa ating mga kababayan. Mula pa noong Hulyo, tinatayang siyam na barko na may sakay na mga Pinoy ang tinamaan ng drone strikes habang naglalayag sa northern Black Sea o dumadaong sa southern Ukraine.
Ito ang malupit na kabalintunaan ng ating bansa: sa sariling bayan ay pinagmamalupitan ang mga Pilipino ng dambuhalang dayuhan (China) habang ipinagtatanggol ang sariling teritoryo.
Sa ibang bansa naman, ang mga Pilipino ay naiipit at nagiging “collateral damage” sa mga geopolitikal na digmaan ng malalaking bansa na wala naman silang kinalaman.
Marahil, panahon na para sa mas radikal na aksyon.
Hindi sapat na manawagan lang tayo sa China na itigil ang kanilang agresyon, at hindi sapat na makiramay lamang tayo sa mga pamilya ng mga nasawing seafarers sa Black Sea. Ang gobyerno ng Pilipinas ay kailangang magpakita ng mas matatag at radikal na tindig.
Kung patuloy na magiging mapanganib ang Black Sea, dapat nang ipatupad ang mas mahigpit na deployment bans o pag-iwas ng manning agencies sa mga rutang ito upang maprotektahan ang buhay ng ating mga mandaragat. Sa usapin naman ng West Philippine Sea, ang pamamalo sa ulo ng ating sundalo ay hindi na simpleng harangan ng barko—ito ay pisikal na pag-atake sa ating mga tauhan. Kailangan na nating kalampagin ang ating mga kaalyadong bansa upang bigyan ng ngipin ang 2016 Arbitral Award.
Ang dugo ng sundalo sa Ayungin at ang buhay ng mga seafarer sa Black Sea ay sumisigaw ng katarungan. Hindi tayo maaaring maging sunud-sunuran sa sarili nating karagatan, at hindi rin tayo dapat maging hamak na pain lamang sa digmaan ng mga higante sa labas ng bansa. Oras na para unahin ang buhay at dignidad ng bawat Pilipino.
75 