Dating kaalyado, ngayon ay kritiko PANG. DUTERTE LAGPAK KAY ALVAREZ

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI katanggap-tanggap para sa isang dating masugid na alagad ng administrasyon ang tambalang Duterte-Duterte para sa nalalapit na 2022 general elections, kasabay ng patutsadang humihimok kay Pangulong Rodrigo Duterte na magretiro nang tuluyan sa sandaling bumaba ito sa pwesto.

Sa isang pahayag ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez, sinabi nitong malaking bentahe sa oposisyon ang aniya’y palpak na COVID-19 pandemic response ng administrasyon, na siya umanong dahilan kung bakit nasasadlak ang bansa ngayon sa matinding pagsubok.

Malaking sugal din aniya ang plano nitong sumabak bilang kandidato sa pagka-Bise Presidente ng anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

“Para sa akin, siguro mas mainam na maghanap tayo ng panibagong lider, different personality. Dahil ang bigat ng problema ng bansa natin,” ani Alvarez na pinaniniwalaang inilaglag ng anak ng pangulo bilang lider ng Kamara noong 2018.

Sa pagtakbo bilang pangulo ng anak ni Duterte na si Sara bilang kapalit niya sa pwesto, mas mainam aniyang maghanap na lang ng ibang mamumuno sa bansa ang tinatayang 65 milyong botanteng Pinoy dahil na rin umano sa laki ng problemang iiwan nito sa susunod na pangulo.

“Mahirap tantyahin dahil mahirap basahin si Presidente pero sa akin – bilang isang kaibigan – sana hindi na,” ayon sa mambabatas na dating malapit na kaalyado ni Pangulong Duterte.

“Champion ka na eh, bakit ka pa susugal sa isang eleksyon. Kapag eleksyon hindi tayo nakakasiguro, ‘yung panalo mahirap siguruhin yun. Kung ikaw champion ka na, mas maganda you retire as champion,” ani Alvarez.

Taong 2018 nang magsimulang nagkalamat ang relasyon sa pagitan ni Alvarez at ng pangulo, bunsod marahil ng pagkalaglag nito bilang House Speaker. Suspetsa pa ng kampo ni Alvarez, malaki ang ginampanang papel ni Duterte-Carpio kaya napatalsik ito bilang Speaker ng Kamara. Ipinalit sa kanya si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na noo’y kinatawan ng isang distrito sa lalawigan ng Pampanga.

Sentimyento pa ni Alvarez, nakadidismaya umano ang paghawak ng administrasyong Duterte sa pandemya kung ikukumpara sa Vietnam. Ito rin aniya ang dahilan kung bakit hindi makawala sa krisis ang bansa.

‘Yung handling ng pandemic doon (Vietnam) hindi hamak na mas maganda kaysa sa atin, anong nangyari? Bakit hanggang ngayon ay nandito pa rin tayo? Marami pa ring namamatay, even yung needs ng mga hospitals kulang,” pagtatapos pa ng mambabatas.

195

Related posts

Leave a Comment