MATAPOS makapagbigay ng mga bigas at delata sa halos lahat ng local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) para sa mga apektado ng lockdown noong mga nakaraang linggo, gamot naman ang ipamamahagi ng ACT-CIS party list para sa mahihirap.
Ayon kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, “pagbibigay naman ng medical assistance ang focus namin ngayon after ng lockdown.”
Hinihikayat ni Cong. Yap ang mahihirap na kababayan na dalhin ang kanilang mga reseta sa kanilang tanggapan sa Quezon City at lalagyan nila ito ng gamot.
“Kung pambili nga ng pagkain e, wala na dahil sa kawalan ng trabaho due to pandemic, lalo na siguro mga gamot at pang-maintenance nila na mga mahihirap,” dagdag pa ni Yap.
Aniya, “hindi lang pang-maintenance kundi pati na rin pang-dialysis at chemo tumutulong din kami kahit na isa o dalawang sesyon man lang”.
“Ito kasi ang naipangako namin sa mga tao noon, na tutulong kami lalo na sa mga inaapi at mahihirap…yun bang nasa laylayan na ng ating lipunan at wala nang malapitan,” ayon pa sa mambabatas. (CESAR BARQUILLA)
