Pangalan ng pulis, ginamit BINATILYO, 1 PA TIMBOG SA KOTONG

ARESTADO ang isang lalaki at ang 16-anyos na binatilyo matapos ireklamo ng pangongotong sa isang negosyante, na ginamit ang umano pangalan ng isang police officer bilang panakot sa biktima sa Valenzuela City.

Kinilala ang arestadong suspek na si Juanito Logan, 30, ng Road 1, Lingahan, Brgy. Malanday, at ang 16-anyos na binatilyo itinago sa pangalang “Bogoy”, isang ALS student.

Ayon sa imbestigasyon nina P/CMS Felix Viernes at P/SSgt. Victor Illustrisimo, nakatanggap ng chat mula sa hindi kilalang tao na nanakot gamit ang account name na “Adrian Manalo”, ang biktimang si Justin Clemente Bots, 41, negosyante ng, M.H. Del Pilar St., Brgy. Malanday, sa dahilan na pinilit umano ni P/SMS Roberto Santillan ang binatilyo na magsampa ng kaso kontra sa kanya.

Nakiusap ang biktima sa taong nagpadala ng mensahe sa kanya na huwag ituloy ang kaso hanggang sa humiling ang naturang tao ng P1,200 kapalit ng kanyang pananahimik.

Dakong alas-8:45 ng umaga nang ibigay ng biktima sa mga suspek ang hiniling na halaga ng pera at matapos ang transaksyon ay tinawagan nito ang ina ng binatilyo at itinanong kung alam ba nito ang ginawa ng kanyang anak.

Nang malaman ng ina ng binatilyo ang pangyayari, agad siyang humingi ng tulong kay P/SMS Santillan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Sa puntong ito, napag-alaman ng biktima na walang kinalaman si P/SMS Santillan sa kanilang transaksyon at wala siyang pinilit na kahit ano sa mga suspek.

Sinampahan ng kasong robbery extortion at unjust vexation ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office habang itinurn-over naman sa pangangalaga ng CSWD ang binatilyo. (FRANCIS SORIANO)

200

Related posts

Leave a Comment