BISTADOR NI RUDY SIM
MADALING manghusga. Madaling gumawa ng meme. Mas madaling tawaging “boomer” ang isang lider na nagpapatupad ng mahigpit na polisiya.
Pero sa Dagupan, hindi biro ang dahilan kung bakit ipinag-utos ni Mayor Belen Fernandez ang pagpapasara sa ilang pisonet.
Hindi ito desisyong ginawa dahil lamang sa ayaw sa online games o dahil kontra siya sa teknolohiya. Hindi rin ito simpleng kampanya laban sa mga computer shop. Bunga ito ng mga pangyayaring mismong naranasan ng lungsod–mga ulat ng self-harm, sekswal na pang-aabuso o di kaya’y panggagahasa, at iba pang mga mabibigat na kaso at mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad, na nagsilbing babala para sa LGU na kailangan nang umaksyon.
Kapag may nakikitang apoy, hindi na hinihintay ng responsableng alkalde na maging sunog bago kumilos.
Mahalagang linawin din ang isang bagay na tila naliligaw sa usapan. Hindi lahat ng pisonet ang target ng operasyon. Ang pinasasara ay yaong mga negosyong walang kaukulang permit at yaong mga naiulat na kulang o halos walang pagbabantay sa mga batang gumagamit ng kanilang mga kompyuter.
At dapat lang! Kung ang pangunahing kostumer ng isang negosyo ay mga menor de edad, hindi ba’t may kaakibat itong pananagutan? Hindi sapat na maglagay lamang ng mga kompyuter at mangolekta ng barya. Nararapat ding may sapat na nasa wastong gulang na nagbabantay, hindi lamang sa kaayusan ng negosyo kundi maging sa kung ano ang ginagawa ng mga bata sa harap ng screen, kung anong nilalaro, kung anong website ang binubuksan, at kung may nalalabag na batas.
Dahil hindi lang to tungkol sa negosyo, usapin ito ng responsibilidad.
Sa totoo lang, wala pa ring komprehensibong pambansang polisiya na tumutugon sa lumalaking epekto ng walang kontrol na paggamit ng internet ng mga kabataan. Habang pinagdedebatehan pa ito sa mas mataas na antas ng pamahalaan, ang unang sumasalo sa problema ay ang mga lokal na pamahalaan.
Ang mayor ang unang nilalapitan ng mga magulang. Ang mayor ang unang hinihingan ng aksyon kapag may nangyaring krimen. At kapag may napahamak na bata, ang mayor din ang unang tinatanong kung bakit walang ginawa ang pamahalaan.
Kaya habang wala pang malinaw at agarang tugon ang national government, umaasa ang mga komunidad sa kanilang mga mayor at lokal na lider upang maagapan ang mga problemang kinahaharap ng kabataan.
Ayon pa sa isa nating kaibigan sa Dagupan City Hall, malinaw umanong ipinahiwatig ng liderato na pansamantala lamang ang polisiyang ito. Hindi ito inilalatag bilang permanenteng pagbabawal, kundi bilang agarang hakbang habang wala pang mas malawak at mas sistematikong solusyon na naipatutupad sa pambansang antas. Sa totoo lang ay may binubuo na raw na paraan para mas ligtas na maka-konek at mag-browse ng internet ang mga batang Dagupeño.
Kung magkakaroon ng mas maayos na regulasyon at mas epektibong mekanismo para mabantayan ang internet access ng mga menor de edad, mas mabuti para sa lahat–sa mga pamilya, sa mga negosyante, at sa mga lokal na pamahalaan.
Kaya marahil ang mas mahalagang tanong ay hindi kung “boomer” ba ang isang mayor. Ang tanong ay: ano ang ginagawa ng ating pambansang pamahalaan?
Panahon na upang dinggin ng Malacañang at ng Kongreso ang lumalaking panawagan ng mga komunidad. Kailangan ng mas malinaw na batas, mas makabagong polisiya, at mas konkretong gabay para sa ligtas na paggamit ng internet ng mga kabataan.
Hindi dapat pabayaan na ang bawat lungsod at bayan ay kanya-kanyang diskarte sa pagharap sa parehong problema.
Tulungan natin ang mga mayor na tulad ni Mayor Belen. Bigyan natin sila ng pambansang polisiya at legal na suporta upang hindi sila mapilitang gumawa ng mahihirap na desisyon nang sila-sila lamang.
Hindi lahat ng tamang desisyon ay popular.
Maaaring may mga hindi sumang-ayon sa hakbang ni Mayor Belen. Maaaring tawagin pa siyang “boomer” ng ilan dahil sa paghihigpit sa mga pisonet.
Ngunit kung ang kapalit ng pagiging “cool” ay ang pananahimik habang nalalagay sa panganib ang mga bata, mas mabuti nang matawag na “boomer” kaysa maging lider na walang ginawang aksyon.
Sa pamumuno, may mga pagkakataong kailangang piliin ang tama kaysa sa popular. At sa pagkakataong ito, ipinakita ni Mayor Belen ang isang katangian at ang lakas ng loob na kumilos agad, kahit alam niyang may mga kokontra, dahil naniniwala siyang ang kaligtasan at kinabukasan ng kabataan ang higit na mahalaga kaysa sa pagiging popular.
60 