PALASYO NGA BA ANG NASA LIKOD NG IMPEACHMENT?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MULING naging sentro ng usapin sa pulitika ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang naging pahayag ni Usec. Claire Castro na dapat umanong isama bilang ebidensiya ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng pangalawang pangulo. Ayon kay Castro, mahalagang dokumento ito upang makatulong sa pagbusisi sa mga alegasyon kaugnay ng umano’y pagyaman ni VP Sara.

Dahil sa naturang pahayag, lalo pang uminit ang debate sa publiko kung ang proseso ba ng impeachment ay tunay na nakabatay lamang sa ebidensiya o kung may mas malalim pang impluwensiyang pulitikal na gumagalaw sa likod nito. Hindi maikakailang naging mitsa ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa magkabilang panig.

Kasunod nito, iginiit ni dating Presidential legal chief ng PRRD admin at abogado na si Salvador Panelo, na malinaw para sa kanya na ang nasa likod ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay si Ferdinand Marcos Jr. Ang naturang pahayag ay sarili niyang pananaw at pagsusuri sa mga pangyayari sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika.

Kung pagbabatayan ang sinabi ni Panelo, hindi umano maaaring ihiwalay ang mga kilos at pahayag ng ilang opisyal ng administrasyon sa usaping impeachment. Para sa kanya, ang mga ito ay nagpapakita ng direksyon ng kasalukuyang pamahalaan laban sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. Gayunman, ang ganitong pananaw ay nananatiling isang alegasyon na hindi pa napatutunayan sa anomang legal na proseso.

Samantala, wala pang inilalabas na pormal na ebidensiya na nagpapatunay na mismong ang Malacañang o si Pangulong Marcos ang nag-utos o nagmaniobra sa impeachment proceedings. Sa isang demokratikong sistema, mahalagang maiba ang mga alegasyon at opinyon sa mga napatunayang katotohanan.

Ang impeachment ay isang prosesong itinatadhana ng Konstitusyon upang panagutin ang matataas na opisyal ng pamahalaan kung may sapat na batayan. Dahil dito, inaasahan ng publiko na ang lahat ng ebidensiya ay susuriing mabuti at ang bawat panig ay bibigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang kanilang sarili.

Gayunpaman, hindi rin maiiwasang magkaroon ng pagdududa ang ilan kung bakit sa panahong umiinit ang iba pang mga isyung pambansa ay mas nabibigyan ng pansin ang impeachment laban sa pangalawang pangulo. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na lumalakas ang iba’t ibang haka-haka at pagsusuri mula sa mga personalidad sa pulitika.

Sa kabilang banda, may mga nagsasabing ang pagsasama ng SALN bilang ebidensiya ay bahagi lamang ng normal na proseso ng pagkalap ng dokumento sa anomang imbestigasyon. Para sa kanila, hindi dapat agad bigyan ng kulay pulitika ang bawat hakbang hangga’t wala pang pinal na pasya ang kinauukulang institusyon.

Anoman ang tunay na motibo ng bawat kampo, ang pinakamahalagang sukatan ay kung magiging patas, transparent at naaayon sa batas ang buong proseso. Ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ay nakasalalay sa kanilang kakayahang pairalin ang due process at hindi ang impluwensya ng pulitika.

Sa gitna ng matinding bangayan ng magkakaibang panig, ang taumbayan ang patuloy na naghihintay ng malinaw na katotohanan. Hindi sapat ang mga akusasyon at palitan ng pahayag; mas mahalaga pa rin ang mga ebidensiyang susuriin sa tamang forum at ang desisyong ibabatay sa batas.

Sa huli, ang impeachment ay hindi lamang pagsubok kay Vice President Sara Duterte kundi maging sa katatagan ng ating mga demokratikong institusyon. Ang anomang hakbang ay dapat nakasalig sa batas at hindi sa pulitikal na interes, upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan.

Habang nagpapatuloy ang mga pagdinig at lumalabas ang iba’t ibang pahayag mula sa magkabilang panig, marapat lamang na maging mapanuri ang publiko. Ang mga opinyon at alegasyon ay dapat timbangin kasabay ng mga ebidensiyang ihaharap, sapagkat sa isang lipunang demokratiko, ang katotohanan ay dapat manaig sa hinala at ang hustisya ay dapat manaig sa pulitika.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

65

Related posts

Leave a Comment