SA halip na hayaan itong tuluyang maubos dahil sa ilegal na pangunguha, isang grupo ng maliliit na mga mangingisda sa Barangay Sibulan, Polillo, Quezon ang nagsimula ng isang experimental taklobo farm upang mailigtas ang higanteng kabibe na mahalagang bahagi ng yamang-dagat.
Ayon sa grupo na pinamumunuan ng mangingisdang si Roderick Bo, sinimulan nila ang pag-aalaga ng mga taklobo noong kasagsagan ng pandemya matapos mapansin na dumarami ang nangongolekta ng mga ito dahil sa mataas na bentahan, kahit ipinagbabawal ang pagkuha sa naturang species.
Sa tuwing may nakikita silang taklobo habang nangingisda, inililipat nila ito sa isang ligtas na lugar malapit sa kanilang komunidad kung saan patuloy nila itong inaalagaan at binabantayan.
Bukod sa pagprotekta sa taklobo, plano rin ng grupo na magsagawa ng coral planting sa sandaling mabigyan sila ng kaukulang pahintulot mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, habang nagsisilbi ring kanlungan ng mga isda ang kanilang inaalagaang bahagi ng karagatan.
Ipinabatid na rin nila sa barangay, lokal na pamahalaan at BFAR ang kanilang proyekto upang maging bukas ito sa mga nais matuto tungkol sa konserbasyon ng taklobo at iba pang yamang-dagat.
Umaasa naman ang grupo na mabibigyan sila ng karagdagang suporta upang maipagpatuloy ang kanilang pangangalaga sa taklobo at mapalawak pa ang kanilang mga proyektong pangangalaga sa kalikasan at kabuhayan ng mga mangingisda.
(NILOU DEL CARMEN)
51 