SEMANA SANTA BUONG TAON

Syanong Detektib Ni Lucio S. Papa

SA mga nakalipas na panahon, isang linggo lang kada taon ginugunita ang Semana Santa sa ating bansa — pero hindi na ngayon, ayon sa mga Pilipinong maralita.

Dangan naman kasi, parang may sabwatan sa pagitan pamahalaan at isang dambuhalang kumpanya sa larangan ng enerhiya.

Marami na ang dumadaing at nagmumura sa dinaranas na pasakit, tulad na lang ng minimum wage earners na kumikita lang ng humigit-kumulang P15,000 kada buwan.

Ang totoo, hindi sapat ang P15,000 para tustusan ang pangangailangan ng isang maliit na pamilya — pagkain, renta, pag-aaral ng mga supling, pamasahe ni mister patungo at pauwi mula sa trabaho, at iba pa.

Hindi pa kasama riyan ang gastusin tulad ng LPG (para sa pagluluto), sabon, toothpaste, internet load, damit, gamot para sa kaanak na may sakit.

Kung pagbabatayan ang pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA), hindi talaga sapat ang umiiral na minimum wage. Rekomendasyon ng ahensya, P1,300 kada araw na sahod para sa ang isang maliit na pamilya.

Sa bayaring kalakip ng supply ng kuryente at tubig pa lang ubos na ang P15,000. Marami sa mga konsyumer ng Meralco, nag-aalboroto. Kasi naman tatlong doble ang itinaas ng singil sa kanila.

Ang siste, nagtuturuan na ang Meralco at gobyerno.

Ayon sa Meralco, hindi nakikinabang ang kumpanya sa iba’t ibang “charges” na nakatala sa buwanang Meralco bill, kasabay ng giit na nakapaloob sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) ang bawat sentimong ikinakarga sa mamamayang Pilipino.

Ang mga kapural sa likod ng EPIRA, tikom ang bibig. Ang mga nakaupong mambabatas sa ilalim ng 20th Congress, dedma sa panaghoy ng mga maralita.

Kanino pa dudulog ang mga konsyumer? Sa mga komunista? O sa mga alagad ni Sara?

Sa aking abang pananaw, napapanahon nang ibalik sa gobyerno ang kontrol sa sektor ng enerhiya at iba pang negosyong pasok sa kategorya ng “public service.”

66

Related posts

Leave a Comment