Totoy Tingzon: Atleta, public school teacher at ama ng youth baseball

HULI man daw at magaling, naihahabol din.

Ipinaaabot ng SALA SA INIT, SALA SA LAMIG at SAKSI NGAYON SPORTS ang malugod na pagbati sa aming matagal nang kaibigang si Rodolfo “Totoy” Tingzon Sr., na noong nakaraang linggo ay narating ang isa na namang milestone sa kanyang buhay sa larangan ng sports na pinakamamahal niya–baseball.

Noong Setyembre 14 ay ipinagdiwang ni Pareng Totoy ang kanyang ika-95 taong pagsilang at sana, tulad noong mga ordinaryong panahon, ay napuno na naman ng kanyang mga kaibigan, matataas na opisyal ng pamahalaan, media men at iba pang ­miyembro ng 365 Club sa Holiday Inn Hotel coffee shop sa Makati, ang bagong tahanan ng samahan, para makisaya sa kanya. At sana ay nagkatipon-tipong muli ang kanyang mga kaibigan sa baseball, dating mga manlalaro at writers sa Rizal Memorial Stadium na pinagdausan noon ng kanyang birthday party sa pamamagitan ng magdamag na inuman.

Subalit dahil sa pandemyang dala ng COVID-19, ang lahat ng mga dating ginagawa noon ay hindi na naganap. Sa halip, ang kanyang mga supling na sina Brig.Gen. Cherisse ng PAF, Dr. Liza, Bing, Boy at Bong ay nagsipagpadala na lamang ng pagkain sa kanyang tahanan kung saan ay tahimik nilang ginunita ang makasaysayang okasyon.

Hindi naman nag-iisa si Totoy at ang kanyang pamilya sa pag-alaala sa kanyang kaarawan dahil ilang maituturing na persons in high places tulad ni dating Pangulong Fidel Ramos, ex-Senate President Juan Ponce Enrile, House Speaker Jose de Venecia, Laguna Congressman Joaquin Chipeco Jr., Congresswoman Ruth Mariano Hernandez, Gov. Ramil Hernandez, former Gov. Teresita Lazaro, Cabuyao City Mayor Rommel Gecolea at ex- Biñan City Mayor Arthur Alonte ay nakiisa sa pagdiriwang sa pagpapadala ng kanilang pagbati.

Ang pangulo at CEO ng PONY Baseball and Softball International Abraham Key, maraming beses naging national coach Raul Saberon, ex-Cong. Roy Almoro, Ret. BGen. Virgilio Espineli, James Ang, Brgy, Captain Olay Taniola, Darwin at Menchie Aala at 1984 PH champion team Joel del Rosario Hundley ay hindi rin nakalimot na bumati kay Totoy.

Maliban sa pagiging manlalaro sa National University, kung saan siya nakatapos ng edukasyon at naging guro sa paaralang publiko, si Totoy ay kinikilalang ama ng youth baseball hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong Asya.

Sampung taon na ang nakalilipas, siya ay idinambana sa PONY (Protect Our Nation’s Youth) International Hall of Fame sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo nito, bilang pagkilala sa nagawa niya sa pagpapalaganap at pagpapaunlad ng baseball sa daigdig. Mismong si Key ang nanguna sa pagpaparangal sa kanya.

Si Totoy ang kaisa-isang Pilipino sa dalawang Asyanong ginawaran ng nabanggit na karangalan. Maliban kay Key, ang seremonya ng parangal ay dinaluhan din ng mga kinatawan ng PONY Baseball/Softball Asia sa Japan, Korea, China, Russia, Chinese Taipei, Hong Kong, Singapore, Indonesia, Vietnam at Pilipinas.

Ang pagmamahal sa baseball ay namana ni Totoy at mga kapatid kay Don Julio Tingzon, na ­naging star player ng University of the Philippines at co-founder ng maalamat na Canlubang Sugar Estate Sugar Barons.

Si Don Julio ay maraming beses naging national team coach at nagdala ng bandila ng bansa sa iba’t ibang international competitions, kabilang ang First Baseball Federation of Asia na pinanalunan ng Pilipinas noong 1954 at Far Eastern Games mula 1913 hanggang 1934.

Dahil sa kanyang malawak na kaalaman sa pamamahala na namana niya kay Don Julio, Si Totoy ang naatasang maging team manager ng 1954 BFA champion Philippine team at team manager ng 1966 Pambansang koponan na nakapag-uwi ng bronze medal sa First World Amateur Championship na idinaos sa Honolulu, Hawaii. Si Totoy rin ang nagmana ng pamamahala ni Don Julio sa Sugar Barons sa pitong taong pagdomina ng koponan mula 1965.

Si Totoy ang nag-organisa ng Little League Baseball Association of the Philippines kasama ng respetadong kolumnistang si Ka Doroy Valencia at ilang businessmen-sportsmen. Makaraang iwan ang Little League dala ng ‘di pagkakaunawaan, itinatag ni Totoy ang Philippine Tot Baseball Association (PTBA) at isinapi ito sa PONY baseball ng USA para ipagpatuloy ang tradisyon ng pamilya Tingzon na mapaunlad ang sport.

Noong 1990, makaraan ang pagdomina ng Asia-Pacific Bronco (11-12 age bracket) mula 70s, nakamit ng Pilipinas na noon ay tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos na “President’s Kids” ang kampeonato ng Pony Baseball International World Series. Si Marcos ang numero unong tagahanga ng Pambansang koponan.

Mula sports, itinuloy ni Totoy ang serbisyo sa bansa at naging Bise Gobernador ng Laguna mula 1980 – 1986 bago naging Congressman noong 1990-1993.

226

Related posts

Leave a Comment