BSP NAGBABALA SA “PASALO-BENTA” CAR SCAM

BINALAAN ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga nagnanais na bumili ng sasakyan na mag-ingat sa mga sindikato na nasa likod ng “PASALO-BENTA” scam.

Ang advisory ay inilabas ng BSP noong nakaraang Setyembre 29, 2021 kaugnay ng nasa likod ng ­balance/pasalo scheme o mas kilala ngayong “PASALO-BENTA”.

Target ng sindikato ang bibili ng sasakyan na gustong makamura o makatipid.

Sa ganitong sistema, ili­lipat ng may-ari ng sasakyan ang kanyang responsibilidad na bayarin sa kanyang pinagkunan ng sasakyan sa sasalo ng kanyang auto loan.

Ang gagawin ng sindikato ay bibilhin niya ang sasakyan na may kasunduan sila ng kanyang pinagbilhan na siya na ang sagot sa bayarin ng auto loan.

At kapag nakuha niya na ang sasakyan ay kanya naman ito ibebenta sa ibang tao na gustong bumili nito.

Ang bentahan ng sasakyan sa pagitan ng miyembro ng sindikato at bagong buyer ng sasakyan ay dokumentado, subalit hindi alam ng bumili na pawang mga peke ang mga dokumentong ibinigay sa kanya.

Ibig sabihin, gumastos lang ang kawawang biktimang bumili ng sasakyan, subalit wala siyang magiging karapatan sa binili niyang sasakyan dahil pawang mga peke ang mga dokumento sa nangyaring bentahan.

Ang orihinal na nagbenta ng sasakyan ay hindi na mababayaran ang kanyang auto loan kaya babawiin ito ng car dealer sa kanya.

Ang problema nito ­ngayon, wala na ang sasakyan dahil hawak na ito ng sindikato.

Hahabulin ngayon ang orihinal na may auto loan ng car dealer kung saan niya kinuha ang nasabing sasakyan.

Dahil dito, nananawagan ang BSP sa mga bangko na magsagawa ng ‘customer identification and verification procedures of the customer due diligence’.

Kailangang ipaliwanag ang iba pang ‘car-related ­illegal activities’ kasama na ang rent-tangay, rent-sangla, loan accomodator scheme at labas-casa scheme.

Pinaalalahanan din ng BSP ang mga bangko na maging mahigpit at palakasin ang kanilang pagpapatupad ng Anti-Money Laundering (AML), regulasyon ng customer identification and verification procedures.

Dapat mabantayan din ang monitoring ng customers at kanilang transaksyones at i-report ang kanilang kahina-hinalang transaksyon.

Kailangan din ang patuloy na AML training program na may kaugnayan sa pagkontrol sa partner/accredited car dealers.

Nagpapaalala rin ang BSP sa ‘file suspicious ­transaction reports’.

Na-PUNA natin na hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagpo-post sa social media ng “PASALO-BENTA” ng mga sasakyan.

Para sa mga interesadong bumili ng sasakyan, mag-ingat po kayo para hindi maging parang bula na mawala ang inyong mga pera.

Mismong BSP na ang nagpapaalala sa inyo para hindi kayo mabiktima ng sindikatong nasa likod ng modus na ito.

Mas makabubuti na dumirekta na lamang po kayo sa mga lehitimong dealer ng mga sasakyan.

Ingat-ingat din tayo mga kapatid ‘pag may time, ‘wag po natin bigyan ng puwang ang sindikato na maloko tayo.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

208

Related posts

Leave a Comment