MILF-LED BTA, BARMM BINATIKOS

murad

(NI AL JACINTO)

UMANI ng  batikos ang kabuuan ng Bangsamoro Transition Authority o BTA na siyang magpapatakbo sa mas pinalawig na Muslim autonomous region na ngayon ay tinatawag na Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Kaliwa’t-kanan ang pagka-dismaya ng maraming Muslim sa pagkakatalaga ng mayorya sa BTA ay pawang mga miyembro ng rebeldeng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa pangunguna ni Murad Ebrahim na siyang tumatayong Chief Minister ng BARMM at Public Works Secretary rin.

Nagbanta naman ang maimpluwensyang si Sultan Firdausi Abbas, ng Moro National Liberation Front, na bubuo ito ng panibagong grupo matapos sabihin na walang kakayahan si Ebrahim na manungkulan, gayun rin ang mga lider ng MILF na nakaupo sa BTA.

“I do not believe that Murad is qualified to be chief minister. I don’t think that he even has the vision to make this work,” ani Abbas sa ekslusibong panayam ng ABS-CBN.

Bukod kay Ebrahim, kabilang rin sa BTA si Mohagher Iqbal at Ghazali Jaafar, na pawang mga vice chairman ng MILF; at ang kontrobersyal na lider ng rebeldeng grupo na si Abdullah Makapaar alias Commander Bravo, na isa umanong terorista at sabit sa maraming atake at pagpatay ng mga sibilyan sa Mindanao.

Tinawag naman ni Abbas na “virtual dictatorship” ang pamumuno sa BTA ng MILF at isusulong umano nito ang sariling krusada na suportado ng maraming mga Muslim. Titiwalag na umano ito bilang vice chairman sa MNLF faction ni Yusop Jikiri, na dating tauhan ni Nur Misuari, ang siyang kinikilalang lider ng MNLF sa Sulu.

Wala rin puwesto sa BTA o BARMM si Misuari na mariing tumututol sa MILF at peace talks nito sa pamahalaan.

“Right now we have no respect for people I find contemptible and despicable. Lalabas kami because we find it unbearable to be in the company of people, who no longer have in mind the pursuance of the goals of the MNLF, which is to establish a Bangsamoro homeland that is truly progressive,” ani Abbas, na isa rin batikang abogado.

Inakusahan rin ni Abbas si Jikiri at ilang kasamahan nito sa pakikipag-sabwatan sa MILF kapalit ng puwesto sa BTA o BARMM. Tatlong taon mamumuno ang BTA – na may 80 miyembro – sa BARMM habang wala pang eleksyon, ngunit pinangalanan na ni Ebrahim ang mga uupong pinuno sa ibat-ibang ahensya ng rehiyon.

“It’s a tyranny committed against the Bangsamoro,” wika pa ni Abbas. “We see now the avarice for political power of the MILF and they’re grooming all their children to be the political kingpins in their areas.”

Sinabi pa ni Abbas na inilaglag siya ni Jikiri dahil hindi umano siya kayang kontrolin ng MNLF. “I was left out because they know that they cannot control me and they know I would not fear them,” dagdag pa nito.

Ayon kay Abbas ay dapat busisiin ng Kongreso ang Bangsamoro Organic Law o BOL at magpatawag ng halalan sa BARMM sa loob ng 6 buwan.

Matatandaan naghain rin ng petisyon sa Korte Suprema noon nakaraang taon si Sulu Gov. Toto Tan at Philippine Constitution Association at kinukuwestyon ang legalidad ng BOL dahil labag umano ito sa Konstitusyon. At hanggang ngayon ay wala pa rin tugon ang Korte Suprema sa mga petisyon.

Idinagdag pa ni Abbas na walang basis ang BOL dahil ibinasura na ang orihinal na bersyon nito. “The group had no basis to claim credit for this law because its original proposal was rejected. We changed that. This is an entirely different law,” paliwanag pa ni Abbas

 

 

 

 

 

 

 

COLUMN: STARBIZ by Lourdes C. Fabian

 

ERICH AND JULIA: TUNAY NA MAGKAIBIGAN

 

K

APAMILYA star Julia Barretto underwent a minor eye procedure na kinumpirma mismo ng kanyang inang si Marjorie Barretto. At pinatunayan ng isa pa ring Kapamilya actress kung gaano niya kamahal at ka-importante sa kanya ang friendship nila ni Julia dahil mas pinili niyang samahan ang kanyang BFF during her eye procedure instead of taking a rest after a busy and tiring day. 

Julia and Erich are two of our celebrities who share real friendship, even off-screen. Subok na ang kanilang pagkakaibigan. Magkahawak-kamay ang magkaibigan during the procedure na napakagandang tingnan dahil pinatunayan ni Erich na she’s willing to give her friend a hand to hold on sa oras na kailangan siya nito.

Kaya naman bilang pasasalamat ni Marjorie Barretto sa nakitang pag-aalaga at suporta ni Erich sa kanyang anak, she shared photos on her Instagram account where Julia was seen reaching Erich’s hand while undergoing eye procedure and wrote in the caption: “With only 3 hours of sleep, @erichgg came to hold Julia’s hand during a minor eye procedure. So happy to have supportive people around us.”

Pinasalamatan din ni Julia ang kanyang BFF on her Instagram stories. “BFF award. appreciate you, @erichgg. “ Na sinagot din ni Erich sa kanyang IG stories…..

“Loveyou, my Chuli,” tawag niya kay Julia.

# # #

“The General’s Daughter” lead actress Angel Locsin remains quiet at mukhang walang balak magsalita regarding the rumored walkout incident that happened during the show’s taping. Nilinaw ni JC de Vera na hindi niya ka-eksena ang aktre nang mag-walk out ito. Pero inamin niyang nakatanggap siya ng text message from Angel saying “sorry…..”

Itinanggi na ng ibang cast members ang walkout, pero iba rin ang paliwanag ni JC.

“Alam ninyo, marami kaming tulog that time at nu’ng nangyari ‘yung time na ‘yon, lahat kami tulog. Then when we woke up, tapos na. Clueless kaming lahat. So kung tatanungin ninyo ako kung ano ang nangyari, hindi ko alam,” paliwanag ni JC. Tahimik daw ang lahat nang magising siya. Pero kahit umalis na raw si Angel sa set, hindi na-pack ang taping.

“Nu’ng nagising ako, hindi na ako nagtanong. Kumbaga, hindi siya dapat pagtsismisan. Malaki ang respeto namin kay Angel. Nag-send siya ng text message sa lahat na she was sorry at pasensiya na sa abala, I replied personally na sabi ko, ‘Okay lang. I understand kung anuman ang nangyari.’ Baka malaking misunderstanding,” pagdidiin niya.

Naiintindihan namin kung hindi man niya diretsong masabi ang totoong nangyari dahil marami siyang masasagasaan. Ang importante ay ginagawa nila ang lahat para pagandahin ang palabas nila kaya naman consistent top rating ang “The General’s Daughter.”

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

(NI ABBY MENDOZA)

 

 

P900 SWELDO NG CONSTRUCTION WORKERS HINIHIRIT

 

 

PARA mas maraming Pinoy ang mahikayat na magtrabaho na lang sa bansa kaysa abroad, hinimok ni ACTS-OFW Party-list Rep John Bertiz ang gobyerno na gawing P900 pesos ang minimum wage ng mga construction workers sa bansa.

Ayon kay Bertiz maraming infrastructure projects ngayon ngunit nagiging problema pa rin ang kakulangan sa manpower dahil mas pinipili ng Pinoy construction workers na magtrabaho abroad bunsod ng mas malaking kita.

Aniya, kung nasa P537 ang minimum wage sa Metro Manila, sa mga bansang gaya ng New Zealand ay umaabot sa P5,300 kada araw ang sahod ng OFW na nasa construction sector.

Kumpiyansa si Bertiz na maaaring magdalawang-isip ang mga manggagawa at manatili na lang sa Pilipinas kung tataasan ang kanilang sahod lalo’t nakasaad naman sa batas na may kapangyarihan ang regional tripartite wages and productivity boards na itaas ang suweldo sa bawat industriya.

Nasa 75  big-ticket infrastructure projects ang inilatag ng administrasyong Duterte bilang economic growth strategy na nagkakahalaga ng P9 trillion kabilang dito ang Metro Manila Subway at inaasahang magbibigay trabaho din sa mga Pinoy.

 

 

 

 

 

 

 

(NI KEVIN COLLANTES)

 

3 ARESTADO SA EXTORTION SA MMDA IMPOUNDING AREA

 

NADAKIP ng mga pulis ang tatlong tauhan ng isang towing company na inaakusahang nangingikil umano ng pera mula sa mga motorista, kapalit nang hindi paghila ng kanilang sasakyan, sa loob mismo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) impounding area sa Pasig City, Biyernes ng hapon.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) Director P/Brig. General Bernabe Balba, kabilang sa mga naarestong suspek sina Mario Ped, 46, umano’y ranked no. 9 sa wanted personalities ng San Juan City Police dahil sa kasong pagnanakaw at residente ng Talipapa, Mindanao Avenue; Roberto Berberio, 46, ng Holy Cross Street, Mindanao Avenue at Michaeal Tambo-Ong, 37, ng Carreon Village, San Bartolome, Novaliches; pawang sa Quezon City.

Ang mga suspek ay naaresto ng San Juan City Police na pinamumunuan ni P/Col. Ariel Fulo, dakong 3:30 ng hapon ng Biyernes sa isang operasyon sa MMDA Impounding Area sa Dona Julia Vargas Avenue, Pasig City.

Armado ng warrant of arrest sa kasong robbery na inisyu laban sa kanila ni Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 160 Judge Frank Lobrigo, ang tracker teams ng Station Intelligence Unit ng San Juan police, na pinamumunuan ni P/Capt. Jerry Napagal, nang isagawa ang pagdakip.

Batay sa rekord, noong Nobyembre 3, 2017 ay sinasabing nangikil umano ng P1,500 ang mga suspek laban sa isang Rafael Gandionco, matapos na illegal na i-tow at i-impound ng mga ito ang kanyang motorsiklo.

Nagpakilala umano ang mga suspek na towing officers ng Fighter Towing Company, isang pribadong towing company na nag-o-operate sa Metro Manila.

Ani Fulo, modus operandi ng mga suspek na lapitan ang motoristang target biktimahin at magpakilalang towing officer ng MMDA at sabihan itong may nagawang parking violation.

Dito na umano hihingian ng mga suspek ng P1,500 ang bawat biktima, kapalit nang hindi pag-tow ng kanilang sasakyan sa MMDA office.

Pansamantala nang nakadetine ang mga suspek sa San Juan City Police Custodial Facility.

 

 

 

 

 

Ni ROSE PULGAR

 

RIDER PATAY SA NAKASALPUKANG CONCRETE MIXER TRUCK

 

AGAD na kamatayan ang dumapo sa isang rider nang salpukin ito at tumilapon sa kongkretong kalsada at malas ay nagulungan pa ng concrete mixer truck, habang sugatan naman ang angkas nitong babae Biyernes ng gabi sa Makati City.

Binawian ng buhay sa mismong lugar ng aksidente ang biktima na si Robb Ian Membrere, 25-anyos, isang empleyado, nakatira sa 200 Gen. Mariano Alvarez, Cavite. Nabatid na pagkatapos masalpok ng mixer truck ay tumilapon ang biktima at nabagok ang ulo  sa sementadong kalsada at nagulungan pa ng  nakasalpok na mixer truck dahilan upang mapisak ang parteng ibaba ng katawan nito.

Samantala, nilalapatan naman ng lunas sa Saint Luke’s Hospital, Bonifacio Global City (BGC) ang angkas nitong babae na nakilalang si Renalyn Alivar Jaravilla, 26, dalaga, kawani, taga 738 Rodriguez St., Zone 18,  Malibay, Pasay City dahil sa tinamong mga sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.

Arestado ng mga tauhan ng Makati City Police Traffic Bureau ang suspek na si Andy Cordero, 41, ng 10B Sampaguita St., Brgy.  Western Bicutan, Taguig City, driver ng concrete mixer truck na may plakang URI-548.

Sa report ni Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police, dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Northbound lane ng panulukan ng EDSA Service Road  at Lapu-Lapu St., Barangay Magallanes ng nabanggit na lungsod.

Sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera, pagewang-gewang ang motorsiklong minamaneho ni Membrere habang angkas si Jaravilla.

Sumingit umano ang biktima sa truck na minamaneho ni Cordero at huli na bago nito nakontrol ang preno hanggang sa nasalpok nanito ang motorsiklo.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mga biktima, subalit ang driver ng motorsiklo ay nagulungan ng kanang gulong ng truck,  na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

 

 

 

 

 

 

(NI LYSSA VILLAROMAN)

 

BENTAHAN NG SHABU SA HOTEL

 

 

ARESTADO sa isang buy-bust operation ang isang kilabot na tulak ng droga na nagbebenta ng shabu sa isang hotel kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Kinilala ni Makati City police chief Sr. Supt. Rogelio Simon ang inarestong suspect na si Rodolfo Bernardo Jr., 39, residente 299 Sampaloc St., Brgy. Cembo, Makati City.

Base sa report na isinumite ni Chief Inspector Gideon Ines, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police kay Simon, nadakip ang suspect dakong alas-9:45 kamakalawa ng gabi sa ikinasa nilang buy-bust operation matapos nila itong maaktuhang nagbebenta ng shabu sa My Inn Hotel sa Kalayaan Avenue, panulukan ng Yabut St., Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Bago pa man maaresto ang suspect ay ay marami nang reklamong natatanggap ang pulisya dahil sa talamak na pagbebenta nito ng shabu sa kanilang lugar.

Si Bernardo ay itinuturing na isang kilabot na tulak ng droga na sa pagbeberipika ng record ng suspect sa pulisya ay mayroon itong nakabinbin na dalawang warrant of arrest na inisyu ng Makati City Regional Trial Court (RTC) ng Branches 142 at 61 na may kaugnayan din sa ipinagbabawal na gamot kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

 

 

 

 

 

BATAAN POLICE OFFICER SIBAK SA HARASSMENT

 

(NI JG TUMBADO)

SINIBAK na umano sa puwesto ang hepe ng Bataan Provincial Police Office kasunod ng reklamo ng babaeng pulis na biktima umano ng pangha-harass ng opisyal.

Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde, si Supt. Marcelo Dayag ay iniimbestigahan sa sexual harassment case na isinampa laban sa kanya.

Inilipat na umano si Dayag sa regional personnel holding and accounting unit ng Police Regional Office sa Camp Olivas, Pampanga.

Wala pang tugon o reaksyon si Dayag sa sinasabing direktiba sa kanya.

 

 

 

 

 

(NI JG TUMBADO)

TRUCK NA MAY TROSO NIRATRAT: 2 PATAY, 3 SUGATAN SA ZAMBO

 

PATAY ang truck driver gayundin ang kanyang pahinante nang ratratin ng kanilang sinasakyan sa Sirawai sa Zamboanga del Norte, Biyernes ng umaga.

Batay sa paunang impormasyon mula sa Police Regional Office 9, nagpaulan ng bala ng baril ang mga suspek sa trak na may lulang mga troso habang nasa bisinidad ng Sitio Labok, Barangay Pisa Itom ang mga biktima.

Dead on the spot ang dalawa sa mga sakay ng trak habang dinala na sa health unit ang tatlong iba pa na nasugatan sa insidente.

Narekober sa lugar ng krimen ang 21 piraso ng basyo ng M-16, pitong basyo ng M-14 rifle, fragmentation grenade, at isang Garand rifle magazine clip.

Patuloy nang sinisiyasat ng pulisya ang insidente.

 

 

 

 

 

 

 

(NI HARVEY PEREZ)

 

BISHOP BACANI: MOMO CHALLENGE GAWA NG DEMONYO

 

NANINIWALA ang Simbahang Katoliko na gawain ng isang demonyo, ang kontrobersiyal na Momo challenge.

Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr.,

anumang nagdadala sa sinuman sa pananakit sa sarili o pananakit sa kapwa ay hindi nagmula sa Diyos kundi gawain ng demonyo.

Ito ang inihayag ni Bacani sa sa pangamba ng mga magulang sa mga online at social media challenge na nagdudulot ng masamang epekto sa mga kabataan.

Pinayuhan ng  Obispo na dapat na mag-ingat ang bawat isa sa pakikilahok sa anumang laro o pagsubok na walang katiyakan ang layunin at hangganan.

Hinikayat ng Obispo, ang mamamayan na suriing mabuti  ang pakikilahok sa anumang laro, samahan o grupo at makabubuti hindi lamang sa kapanakanan ng pangangatawan, kalusugan at puso ng bawat indibidwal kundi maging sa mismong kaluluwa.

Una nang nagbigay ng paalala sa mga magulang na bantayan ang kanilang anak sa paggamit ng internet matapos ang pagpapatiwakal ng isang 11-taong gulang na bata na hinihinalang dahil sa kumakalat na online challenge na nag-uutos ng pananakit ng kapwa at sarili.

Makikita  sa naturang ‘momo challenge’ ang nakakatakot na larawan ng isang babae na base sa isang sculpture sa isang museum sa Japan ay nagsimula sa isang messaging app.

Kapag nakipag chat ka ay uutusan ang mga biktima na kadalasan ay mga bata na saktan sarili at kapwa na kumalat na rin maging sa youtube at sa iba pang social media platforms.

Iginiit ni  Bacani, ang makabagong teknolohiya ay dapat na gamitin para sa ikabubuti ng mamamayan at hindi para sa ikasasama ng sinuman.

 

 

 

 

DENGVAXIA ISSUE TULDUKAN NA — PALASYO

 

(NI BETH JULIAN)

 

DAPAT nang itsapwera na gawing political issue ang kontrobersiya sa Dengvaxia vaccine dahil nasamapahan na ng kaso ang ilang dating opisyal ng Pamahalaan na sangkot dito.

Ito ang apela ng Malacanang sa lahat matapos ang pormal na paghahain ng kasong reckless imprudence resulting in homicide ng Department of Justice (DoJ) laban kina dating Health Secretary Janette Garin at iba pang opisyal ng Department of Justice (DoJ) dahil sa pagkamatay ng ilang bata dahil umano sa Dengvaxia.

Ayon kay Presidential spokesperson Secretary Salvador Panelo, makabubuting itigil nang gawing political issue ang Dengvaxia dahil nagsimula na ri namang gumulong ang hustisya para sa mga biktima ng nasabing gamot.

Katwiran ni Panelo, layon nito na hindi na matakot ang mamamayan sa iba pang magagandang health programa ng pamahalaan tulad ng iba pang bakuna.

Tiniyak din ni Panelo na hindi sila makikialam sa usapin at hahayaan lang ang DoJ na gawin ang kanilang mandato pero umaasa sila na lalabas ang katotohanan sa issue at maibibigay ang hustisya sa mga biktima ng Dengvaxia.

 

 

  1. APO MULING IPASASARA SA MGA TREKKERS

(NI BONG PAULO)

 

KIDAPAWAN CITY – Pinag-aaralan na ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City kung ipasasara muli para sa mga climbers ang Mt. Apo ngayong summer season.

Ito ay dahil na rin sa matinding init na nararanasan sa lungsod na maaring maging dahilan ng grassfire. Sa panayam ng SAKSI NGAYON kay City Tourism officer Joey Recimilla, hinihintay pa ng City Tourism Council ang magiging desisyon ng Protected Areas Management Board o PAMB ng DENR kung itutuloy ba ang temporary closure.

Bagama’t bukas pa ang bundok sa mga climbers sa kasalukuyan, pinag-aaralan din kung lilimitahan ang bilang ng mga aakyat sa layuning makontrol ang dami ng climbers at upang maiiwasan ang posibleng sunog.

Patuloy na umiinit ang panahon at natutuyo na ang mga damo sa bundok na peligrosong magsanhi ng grass fire. Matatandaang taong 2016 na naitala ang grassfire na sumira sa ekta-ektaryang kahuyan at damuhan sa bundok. Umaabot sa 10 kilometro ang haba ng kasalukuyang fireline na may lapad na 10 metro.

Habang may namuo namang yelo o tinatawag na icicles sa ilang parte ng Mt.Apo kahapon ng umaga. Sinabi ni Recimilla, normal lang ang nasabing pangyayari dahil ito sa pagtatagpo ng init sa baba at lamig naman sa taas ng bundok.

 

 

 

P5-M OIL PALM PLANTATION NASUNOG

 

NORTH COTABATO – Ekta-ektaryang pananim na mga oil palm ang nasunog sa bahagi ng barangay Gambodes Arakan North Cotabato, iniulat Sabado ng umaga.

Ayon kay BFP Arakan, Senior Fire Officer 2 Ronald Valle, una silang nakatanggap ng report nitong Huwebes ng tanghali na may forest fire sa lugar.

Bandang alas 4:45 ng hapon ay kumalat na ang nasabing sunog. Ang nasabing oil palm plantation ay pagmamay-ari ng isa sa mga municipal councilor ng Matalam North Cotabato na nasa hangganan na ng Arakan, Bukidnon at Marilog District sa Davao City.

Nasa bulubunduking bahagi ang mga pananim dahilan upang masunog rin ang mga halamang nakapalibot sa bundok. Ayon sa natanggap na report ng BFP mula sa caretaker ng plantasyon,  may nagsusunog umano malapit sa kanilang area na siyang posibleng dahilan ng sunog.

Tinataya sa P5 milyon ang pinsala ng sunog.

 

 

 

 

 

(NI ELOISA SILVERIO)

BULACAN DRUG WAR: 6 PATAY, 56 HULI

 

CAMP GEN ALEJO S SANTOS,  Bulacan — Anim na hinihinalang mga drug pushers ang napatay sa magkakahiwalay na drug operations ng Bulacan Police operatives habang 56 pang mga suspek ang nadakip sa tatlong araw na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) mula Huwebes.
Kinilala ni Police Colonel Chito Bersaluna, Provincial Director ng Bulacan ang mga napatay na sina Brix San Juan Santos, kabilang sa Balagtas MPS watchlist at Romarico Imperial, watchlisted illegal drug personality ng Brgy. Bagong Buhay II, City of San Jose del Monte, Bulacan.

Nakilala naman ang mga nasawi sa bayan ng Sta Maria at sa Lungsod ng Meycauayan na sina Joel Jason, 30, ng Barangay Parada sa Sta. Maria at Michael Vincent, 35, ng Barangay Bahay Pare sa Meycauyan City.

Ayon kay Bersaluna, ang apat na suspek ay napaslang matapos makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng 3rd Maneuver Platoon ng Provincial Mobile Force Company (PMFC) at mga Municipal Police Stations. Sa bayan naman ng Balagtas at Baliwag, nabatid na isang entrapment laban sa droga ang ikinasa na ikinasawi ng isang di pa nakikilalang armadong suspek na nakipagpalitan ng putok sa kapulisan na nagsasagawa ng COMELEC checkpoint.
Samantala, 56 pang drug suspek ang nadakip sa magkakahiwalay na drug operation  sa buong Bulacan kung saan 37 plastic sachets ng shabu ang narekober at mga baril na nasa pangangalaga ng  Bulacan PNP Crime Laboratory habang inihahanda naman ang kasong isasampa laban sa mga suspek.

 

 

 

 

 

MGA SINEHAN GAGAMITIN SA MALING PAGGAMIT NG INTERNET

(NI BETH JULIAN)

NAKIKIPAG-UGNAYAN ang pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga nagpapatakbo ng movie houses para magpalabas ng babala sa maling paggamit ng internet.

Bunsod na rin ito ng kontrobersyal na momo challenge na layong utusan ang isang user gaya ng bata na manakit o saktan ang sarili.

Ayon kay DICT Acting Secretary Eliseo Roi Jr., tututok rin ang kanilang binuong inter agency task force sa pagpapakalat ng impormasyon, hindi lamang sa momo challenge kungdi sa ibang impormasyon sa internet na makasasakit sa mga bata.

Una nang sinabi ni Rio na nakipag ugnayan na sila sa pamunuan ng Facebook, google at youtube upang pigilan ang pagkalat ng momo challenge.

 

 

 

(NI BETH JULIAN)

 

 

TF VS MOMO CHALLENGE BINUO NG DICT

 

BUMUO na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng Task Force na tututok sa insidente ng pagpapatiwakal ng isang 11-year old boy bunsod umano ng impluwensya ng tinatawag na ‘momo challenge’.

Ang buong TF ay kinabibilangan ng ng mga pulis at telecommunicaitons commission.

Inamin ni DICT Acting Secretary Eliseo Rio Jr., na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pruweba kung ang momo challenge nga ang dahilan ng pagkamatay ng bata.

Hindi rin isinasantabi ang impormasyong isang hoax o hindi totoo ang momo challenge.

Sa binuong TF ng DICT, tututok ito sa fact finding and investigation para sa momo challenge.

Ayon kay Rio, partikular  nilang iimbestigahan kung talagang may kinalaman ang momo challenge sa pagkamatay ng bata at aalamin din kung totoo ang nasabing challenge o isa lamang hoax sa internet.

“Ang particular lang na gagawin ng task force is to find out kung totoo ang suicide cuased by momo challenge, fact finding lang po,” wika ni Rio.

Layun din ng imbestigasyon na matuldukan ang mga pangamba at mapanatag ang loob ng lahat kaugnay ng usapin.

“Ito rin ay for the peace of mind of everybody, pero kailangan pa rin na mawarningan ang mga parents at maging mapagsubaybay sa kanilang mga anak sa paggamit ng internet,” ayon pa kay Rio.

Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang pakikipag ugnayan ng DICT sa iba’t ibang social media platforms sa website para mapigilan ang pagkalat ng momo challenge.

Sinabi ni Rio na kabilang sa mga kanilang nakausap ang pamunuang facebook, youtube at google.

Ang resulta, ayon kay Rio, ay sinabi ng mga ito na sila na mismo ang magba-block sa mga content na maaring magdulot ng panganib o karahasan sa mga gumagamit ng internet.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

(NI BETH JULIAN)

 

 

RANKING NG PINAS SA INT’L RULE OF LAW INDEX TUMAAS

 

IKINAGALAK ng Malacanang ang pagtaas ng ranking ng Pilipinas sa international rule of law index.

Batay sa 2019 rule of law index, may inilabas ng world justice project, nasa ika 90 puwesto ang Pilipinas mula sa 126 na bansa sa mundo.

Kabilang sa mga ginamit na batayan sa ranking ay ang limitasyon ng kapangyarihan ng gobyerno, lebel ng katiwalian, pagiging bukas ng pamahalaan, order and security, regulatory enforcement at civil and criminal justice.

Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, hindi titigil sa pagtatrabaho ang pamahalaan para matiyak na maayos na umiiral ang rule of law sa bansa.

Nanawagan din si Panelo sa lahat ng sangay ng pamahalaan na tumulong para malamit ang lahat ng adhikain ng pamahalaan.

 

 

 

 

SUMABOG NA LPG SA SAMPALOC FIRE

NI JULIE DUIGAN

SUGATAN ang isang 55-anyos na  lalaki makaraang sumabog  ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), na naging sanhi upang matupok ang  kanyang bahay na nandamay pa ng  katabing apartment unit sa Sampaloc, Manila, Biyernes ng  madaling araw.

Ayon sa ulat ng Manila Fire Department ng  Bureau of Fire Protection (BFP), mabilis namang naisugod  sa  UST hospital ang biktimang si Johnson Ong, 55, matapos na magtamo ng 3rd degree burns.

Sa imbestigasyon ni Sr.Fire 0fficer 3 ,Edilberto Cruz, bandang  3:51 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog, na umabot ng unang alarma, sa bahay ng pamilya Ong,sa Craig St, sa Sampaloc.

Una umanong sumingaw ang LPG, at saka ito sumabog hanggang sa masunog ang bahay  at madamay pa  ng dalawa katabing apartment.

Sa lakas nang pagsabog , tumilapon pa ang pader ng bahay at tumilapon sa salamin ng kotse ng biktima, na naging dahilan nang pagkasira nito.

Pagsapit ng 4:24 ng madaling araw ay naideklara nang fire under control ang sunog.

 

 

 

(NI BETH JULIAN)

 

‘GANTI’ SA PINOY WORKERS SA CHINA ITINANGGI NI ZHAO

 

TIKLOP  si Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo sa nauna nitong pahayag na gaganti umano ang China sa mga Filipinong manggagawa sa kanilang bansa kapag pinadeport ng gobyerno ng Pilipinas ang mga Chinese workers na nasa bansa.

Ito ay matapos itanggi ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na nagbigay ito ng naturang banta.

Paliwanag ni Panelo, hindi naman ito talagang sinabi ng Ambassador ng China kungdi bahagi lamang ng academic discussion.

Katwiran ni Panelo na sinasabi lamang nya ang natural na reaksyon ng isang gobyerno kapag nadedehado ang kanilang mamamayan.

Matapos ang espekulasyon ni Panelo sa maaaring tugon ng China kapag pinadeport ang mga Chinese national na ilegal na nagtatrabaho sa bansa ay agad sinab ni Zhao na nirerespeto nila ang mga regulasyong ipinaiiral sa Pilipinas.

Binigyan diin ni Zhao na sadyang dapat na maipatapon pabalik sa kanilang bansa ang kanilang mamamayan kapag may nilabag na immigration law sa Pilpinas.

 

 

 

 

 

 

(NI NICK ECHEVARRIA)

 

PULIS NANINGIL NG DANYOS SA NABANGGANG MOBILE CAR, HULI

 

ARESTADO  ang isang police personnel sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) at PNP Intelligence Group (IG) sa Angeles City, Biyernes ng gabi.

 

Nakilala ang inarestong pulis na si Patrolman Rosalio Varron Vanzuela na nakatalaga sa Mabalacat City Police Sation bilang imbestigador.

 

Sa report na nakarating kay CITF commander P/Brigadier General Romeo Caramat, isinagawa ang entrapment operation sa Bgy. Balibago ng Clark Freeport Zone na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek na pulis. Nang tanggapin nito ang P15,000 na marked money ay agad siyang inaresto bandang alas-6 ng Biyernes ng gabi.

Nag-ugat ang operasyon nang tumawag sa opisina ng CITF ang isang complainant na hinihingan siya umano ng isang Patrolman Vanzuela ng P15,000 dahil sa isang vehicular accident na kinasangkutan nito at ng Mabalacat CPS mobile patrol vehicle noong Feb. 15, 2019.

Ayon sa salaysay ng complainant sinisingil umano sya ng pulis para sa repair ng mobile car matapos umanong mabangga ng nagrereklamo ang sasakyan. Ang halaga ay kapalit din ng pag-release ng driver’s license ng biktima.

 

Nakakulong na ngayon sa tanggapan ng CITF ang naarestong police investigator ng Mabalacat PNP habang inihahanda ang kaukulang kaso na kakaharapin nito.

 

 

 

 

 

 

AMBUSH SA MGA SUNDALO INAKO NG BIFF

 

KORONADAL CITY – Inako ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang ambush sa tatlong kasapi ng 57th Infantry Battalion Philippine Army na ikinamatay nina Private First Class (PFC) Junard Estribor at Private Nelier Jhan Pinto.

Sugatan din si Private Muqtadir Sampulna at isang babaeng sibilyan sa Sitio Kurungan, Brgy Sambulawan Datu Salibo, Maguindanao.

Mahigpit namang kinondena ni Major Arvin Encinas tagapagsalita ng 6ID Philippine Army, ang ginawa ng BIFF. Isang nagpakilalang Abu Misry Mama, tagapagsalita ng teroristang grupo ang pananambang.

Sinabi nito na ang pananambang sa militar ay isang umanong pagganti sa pagpatay ng government troops kay Kumander Boy Native na isang mataas na opisyal ng BIFF.

Ayon sa militar matagal na nilang itinuturing na peace spoiler ang BIFF na matagal na ring nagsasagawa ng bayolenteng pag-atake laban sa tropa ng gobyerno at mga sibilyan.

 

 

 

 

 

(NI KEVIN COLLANTES)

 

 

GRADUATION RITES NG GRADE SCHOOL NILINAW NG DEPED

 

MAGKAKAROON ng graduation ceremony ang mga mag-aaral na magsisipagtapos sa ikaanim na baitang (Grade 6) ngayong School Year 2018-2019.

Ito ay taliwas sa unang mga ulat na magkakaroon lamang ng moving-up ceremony ang mga batang makakakumpleto ng Kindergarten, Grade 6 at Grade 10.

Nag-isyu ang Department of Education (DepEd) ng Memorandum No. 025, series of 2019, na pirmado ni Education Secretary Leonor Briones, upang linawin na may graduation rites ang mga Grade 6 completers.

“This memorandum clarifies that at the end of school year rites for Grade 6 completers this School Year 2018-2019 shall be a graduation ceremony, as stated in the attached DepEd Order No. 2, series of 2019, issued on February 18, 2019,” nakasaad sa memorandum, na may titulong “Graduation ceremony for Grade 6 completers in School Year 2018-2019.’

Ipinaliwanag rin naman ng DepEd, na ‘under discussion’ o tinatalakay pa lamang ng Executive Committee,  ang pagkakaroon ng moving-up ceremony, sa halip na graduation, para  sa Grade 6 completers.

Tiniyak naman ng DepEd na sakaling maaprubahan at ipapatupad na ito ay kaagad naman nila itong ipapaalam sa kinauukulan.

“The moving-up ceremony instead of graduation for Grade 6 completers is under discussion by the Executive Committee.  Should this be approved, DepEd assures all concerned that this will be announced with sufficient lead time,” saad pa ng memorandum.

Humingi rin naman ng paumanhin ang DepEd sa inconvenience at kalituhan na idinulot ng mga unang balita naglabasan hinggil sa hindi pagkakaroon ng graduation ceremony para sa Grade 6 completers.

Una nang napaulat na sinabi umano ng DepEd na sa ilalim ng K to 12 program ng pamahalaan ay tanging ang mga Grade 12 students lamang ang magkakaroon ng graduation ceremony, habang magkakaroon naman ng moving-up ceremony ang mga mag-aaral na makakakumpleto ng Kindergarten, Grade 6 at Grade 10.

 

 

 

 

LISTAHAN NG PARTY-LIST GROUP INILABAS NA NG COMELEC

 

INILABAS na ng Commission on Elections ang listahan ng mga party-list group at mga nominado nito, Biyernes ng gabi, ayon kay spokesperson James Jimenez.

Sinabi ni Jimenez na ang paglabas ng listahan ay upang malaman ng publiko nang mas maaga ang mga dapat nilang iboto sa midterm elections, maging ang mga tao sa likod ng party-list.

Umaabot sa 134 party-list group ang makikisa sa eleksiyon na umaasang magkaroon ng posisyon sa House of Representatives.

 

 

 

P4.6-M MARIJUANA PLANTS, BINUNOT, SINUNOG

CEBU CITY – Nahuli ang mga caretakers ngunit hindi ang mga may-ari ng marijuana platation kung saan binunot ang may P4.6 milyong halaga ng marijuana plants sa Brgy. Gaas, sa bayan ng Balamban, sa Cebu.

Inaresto sina sina Amado Cañonera Jr. at Bernabe Pardillo, habang nakatakas naman ang mga nagtanim nito na sina Ben Habasa, Jeric Cañonera, at Romnick Ocariza.

Sinabi ni SPO2 Rolando Navarro, ng Balamban Police Station, matagal na umanong under surveillance ang lugar matapos makatanggap ng tip na may tanim na marijuana sa lugar.

Agad ding sinunog ng mga tauhan ng Cebu Provincial Police Office ang halos 12,000 mga marijuana plants habang iniimbestiahan ng PDEA-7 ang mga nahuling caretakers.

 

 

 

 

Namatay sa tigdas, pumalo na sa 215 – DoH

 

UMAABOT na sa 215 ang namatay sa tigdas, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

Dahil ditto, hindi tumitigil ang kagawaran sa pakikipag-ugnayan sa mga magulang na pabakunahan ang mga anak para makaiwas sa sakit.

Sinabi ni Duque na bukod sa pagkakaroon ng malinis na kapaligiran at malusog na pamumuhay, ang pagpapabakuna ay isang mabisang paraan para makaiwas sa sakit.

Tiniyak nito sa publiko na ligtas ang measles vaccine at iba umano ito sa Dengvaxia na bakuna laban sa dengue.

Kasabay nito, ikinatuwa ng kalihim ang pag-absuwelto sa kanya ng Department of Justice (DoJ) sa mga kasong isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO)

Aniya,  noon pa man ay alam na niyang ibabasura lamang ng DoJ ang reklamo laban sa kanya hinggil sa pagkakasangkot sa kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

 

 

 

3 NAGNAKAW NG MOTORSIKLO PATAY

PATAY ang tatlong lalaki na umano ay nagnakaw ng motorsiklo matapos na ang mga ito ay makipagbarilan sa mga pulis habang papatakas sa Malvar, Batangas, Sabado  ng madaling araw.Sa inisyal na report ng Batangs PNP, kinilala ang mga napatay sa mga pangalang ‘Mario’/‘Molino’, isang alias ‘Tito’ at isang alyas ‘Jr’.

Nagsagawa umano ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Malvar police station at Batangas Highway Patrol Group matapos i-report ng isang Maynard Garcia ang pagkawala ng kanyang motorsiklo sa Barangay Luta Norte pasado ala-1:00 ng madaling araw.

Naabutan ng mga pulis ang tatlong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo sa Barangay Poblacion dakong alas dos.

Subalit sa halip na sumuko nakipagbarilan ang mga ito na nagresulta sa kanilang agarang pagkamatay.

Narekober sa mga ito ang motorsiklo ng biktima, isang kalibre .45 baril at dalawangg kalibre 38.

 

 

 

 

 

 

 

MOVING UP CEREMONY LANG SA GRADE 6, 10 —  DEPED

 

(NI DAHLIA S. ANIN)

 

 

MAWAWALA na ang graduation ceremony sa Grade 6 at Grade 10 base sa Department of Education Order 002.

Nakasaad sa order na ito na ang mga batang magtatapos ng Grade 12 o Senior High School na lamang ang magkakaroon ng graduation ceremony at tatanggap ng katibayan ng pagtatapos o Diploma.

Sa isang panayam kay Education Secretary Leonor Briones, ang mga eskwelahan lamang na may “DepEd approved K to 12 transition plan, schools with permit to operate Senior High School since 2014, at international schools with K to 12 Program” ang maaring magkaroon ng graduation.

Ang mga bata naman na magtatapos ng Kinder, Grade 6 at Grade 10 mula sa private at public school ay magkakaroon lang ng moving up o completion ceremony at tatanggap lamang sila ng katunayan o certicate of completion na iba sa dimploma o katibayan na ibinibigay lamang sa mga magtatapos.

Ang certificate na ibibigay sa magtatapos ng Kindergarten ay Kindergarten Certificate, sa Grade 6 naman ay Elementary Certificate at Junior High School Certificate para sa magtatapos ng Grade 10.

Ang parehong public at private schools ay magkakaroon ng graduation rites na hindi mas maaga sa Abril 1 at hindi naman lalagpas sa Abril 5.

Naging negatibo naman ang balitang ito para sa ilang magulang at masisitapos sana sa darating na Marso, ngunit handa naman silang sumunod kung ito talaga nag magiging patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon.

 

 

 

 

RETIRED JAIL OFFICER ITINUMBA SA BOHOL

 

TAGBILARAN CITY —  Patay ang isang retiradong jail officer na tumatakbong konsehal sa bayan ng Talibon matapos barilin ilang metro lamang ang layo sa bahay, Biyernes ng hapon.

Ang biktimang si Bartolome Avenido, 43, ng Purok 4, Barangay San Jose, Talibon, ay pauwi na ng kanilang bahay galing sa isang event sa eskuwelahan bandang ala-1 ng hapon.

Sakay ito ng kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng dalawang gunmen. Agad isinugod sa Garcia Memorial Provincial Hospital ang biktima nugnit namatay din dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sinabi ng mga saksi na ang mga suspect na sakay din ng motorsiklo ay tumakas matapos isagawa ang krimen.

 

 

 

(NI NILOU DEL CARMEN)

 

SUPERVISOR PINATAY NG SEKYU SA HOTEL

 

NAGTAPOS sa madugong komprontasyon ang alitan ng isang security guard at ng kanyang officer-in-charge matapos na pagbabarilin ng una ang huli sa loob ng compound ng kanilang binabantayang hotel sa Batangas City kamakalawa.

Nasawi habang isinusugod sa Jesus of Nazareth Hospital ang biktimang si Florante Aguilar, 42, dahil sa mga tama ng bala sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Tumakas naman ang suspek na kinilalang si Eric Radam matapos ang pamamaril.

Batay sa imbestigasyon ng Batangas City police, matagal na umanong may alitan ang suspek at ang biktima sa kanilang trabaho bilang mag-amo.

Subalit kamakalawa ng umaga ay nakakita umano ng tiyempo ang suspek at sinundan ang biktima habang nasa loob ng comfort room ng pinapasukang Pontefino Hotel and Residences.

Walang habas nitong pinagbabaril ang biktima gamit ang service fire-arm na kalibre 38 baril.

Pinaghahanap pa ngayon ng mga pulis ang   suspek na tumakas dala ang ginamit na baril.

 

 

 

 

 

 

 

SARI-SARI STORE SESSION: 3 ARESTADO

 

(NI JAY-CZAR CRUZ LA TORRE)

ARESTADO ang apat katao sa isa umanong shabu session, kabilang ang may-ari ng isang ’24 hours’ na sari-sari store, sa bayan ng San Narciso sa lalawigan ng Zambales makaraang salakayin ng mga tauhuan ng drug enforcement unit ng San Narciso Police Station.

Batay sa ulat ng pulisya, matapos ang matagal na pagmamanman sa tindahan na pag-aari ni Maritess Estuita ay ikinasa ang isang police operation sa pag-uutos ni Police Captain Noel Sitjar kung saan naaktuhan umanong gumagamit ng shabu sina Tanya Marapao, Geraldo Roxas at ang kinilalang si Lucky na isang menor de edad. Ang dalawa ay pawang mga residente sa naturang bayan maliban kay Marapao na taga bayan ng Castillejos sa nabanggit na lalawigan.

Nakumpiska mula sa mga arestado ang 19 na pakete ng umano’y  ng iligal na droga at ilang mga nagamit nang drug paraphernalia.

Mariin namang pinabulaanan ng apat ang pangyayari.

Ayon kina Marapao, Lucky at Roxas, sila lamang ay naimbitahan upang dumalo sa kaarawan ng kanilang kakilala na idinaraos sa tindahang pag-aari ni Estuita. Pinatutuhanan naman ni Estuita ang mga sinabi ng tatlo ngunit itinangging may kinalaman siya sa ‘pot session’ sapagkat kasalukuyan daw itong natutulog nang dumating ang tatlo at ang dalawa pang mga kasama ng mga ito na sinasabing agad na nakapuslit bago pa man mapasok ng kapulisan ang naturang lugar. Sinabi rin ni Marapao na ang nagmamay-ari ng mga iligal na droga ay ang isa sa dalawang nakatakas ngunit nabigong makuha ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga ito sa kadahilanang hindi naman daw umano personal na magkakakilala ang  inaresto ayon sa kanila.

Lubos namang ikinalungkot ng barangay chair ng Libertad ang nangyaring operasyon ng kapulisan sa nasasakupan sapagkat ayon sa kanya ay kakagawad lamang sa kanya ng parangal mula sa PNP Region 3 sa Camp Olivas, Pampanga  bilang isa sa limang ideneklarang “drug free” barangay sa kanilang bayan.

Kakaharap sa mga kasong kaugnay sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 o RA 9165 ang apat na arestado.

 

 

 

 

 

Abby Mendoza

Phivolcs/mar2

(NI ABBY MENDOZA)

4.7 LINDOL NARAMDAMAN SA ILOCOS SUR

NIYANIG ng 4.7 magnitude quake ang bayan ng Silay sa Ilocos Sur,tectonic ang pinagmulan ng lindol at walang inaasahang aftershocks.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismolpgy(Phivolcs)  alas 4:50 ng madaling araw nang maramdaman ang lindol na may lalim na 100 kilometers.

Dahil may kalakasan ang lindol ay naramdaman din ito sa  Vigan City na nakapagtala ng Intensity 2.

Wala namang naitalang pinsala sa pagyanig .

 

 

 

 

MANILA, Philippines – An elevator accident at the PBCom Tower, among the tallest structures in the country, prompted the Makati City government to order an inspection of all buildings in the central business district Friday, March 1.

Sixteen people got hurt when the elevator braking system at the PBCom Tower malfunctioned Friday morning.

The Philippine Red Cross (PRC), among the responders to the accident, said those hurt only sustained minor injuries.

The Makati Command Control and Communication Center (C3), said it received a telephone call from JC Roldan, a Building Management System (BMS) operator at PBCom, about the faulty emergency brake of the elevator.

Roldan called at 10:54 p.m. informing C3 of the incident and requested assistance for 17 elevator passengers who suffered from dizziness and sustained minor injuries.

A report from the Manila Bulletin quoted the Makati police chief Senior Superintendent Rogelio Simon as saying the elevator was overloaded with 28 passengers while it was descending PBCom Tower.

Simon said it was a “service elevator” and it did not have an operator although one was required to run it. He said the passengers may have repeatedly pressed the buttons, causing the malfunction.

From the 47th floor, Simon said, the elevator accelerated and stopped at each floor. But passengers could not get off because the door closed quickly at each floor.

As a result of the accident, Makati Mayor Abby Binay ordered the Office of the Building Official (OBO) to inspect all elevators in the city for compliance with the safety requirements in the National Building Code of the Philippines.

“I would like to reiterate to building owners and administrators that it is their responsibility to ensure that all elevators in their building are well-maintained,” Binay said.

The first responders to the incident were ambulances from Makati Search and Rescue Team and its clusters, Poblacion Rescue, Bangkal Rescue, San Isidro Rescue, Valenzuela Rescue and San Lorenzo Rescue, and the Philippine Red Cross.

As per C3, some of the victims are Filipino and Chinese employees of Huawei Technology while the others were call center employees. They were brought to the Makati Medical Center (MMC) and Ospital ng Makati (OsMak) mostly because of pains in the lower back and knees. – Rappler.com

 

 

 

 

(NI JG TUMBADO)

 

PATAY ang isang mag-ama na tinaguriang mga kriminal makaraang makipagbarilan sa militar sa bulubunduking bahagi ng Datu Sinsuat sa Maguindanao kamakalawa ng hapon.

Kapwa tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sina Tenti Taup, 42, alyas ‘Winston’ at anak na si Minggoy, 25.

Batay sa report kay Lt. Col. Oliver Baylon, commanding officer ng Marine Battalion Landing Team-7(MBLT7), nangyari ang sagupaan sa pagitan ng mag ama at ng mga sundalo ng MBLT-7 sa Sitio Kamalig, Barangay Sedem habang nagpapatrulya ang mga ito sa lugar.

Una umanong pinaputukan ng mag ama ang mga sundalo hanggang mauwi na sa barilan na tumagal ng 10 minuto.

Napag-alaman na may naka bimbing kaso ang matandang Taup bukod sa dalawa pang arrest warrant nito sa kasong attempted murder at murder.

Itinuturong  sangkot ang mag ama sa ilang serye ng pagpatay at iba pang krimen sa bayan ng Kalamansig at kalapit na bayan.

Matagal na umanong tinutugis ng mga awtoridad ang mag amang Taup subalit sila ay nakakaligtas dahil na rin sa palipat lipat ng lugar na pinagtataguan.

Nakuha malapit sa bangkay ng mag ama ang isang baril at isang M16 armalite rifle at mga bala.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

(NI BETH JULIAN)

 

‘DI KAYA ANG LAMIG; DU30 AYAW BUMIYAHE SA US

 

 

SA kabila ng dalawang araw na pagbisita ni US Secretary of State Michael Pompeo sa bansa, wala pa rin nakikitang indikasyon kung pauunlakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matagal nang imbitasyon na bumisita ito sa Amerika.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na ayaw pa ring makompromiso ni Pangulong Duterte sa matagal nang imbitasyon na bumisita ito sa Amerika.

Ayon kay Panelo, nananatiling tahimik ang Pangulo at wala pang nakikitang sensyales kung ano ang posisyon sa makailang ulit nang pangungulit ni US President Donald Trump na pumunta at bumisita naman ito sa Amerika.

Sinabi ni Panelo na ayaw ng Pangulo ang matagalang byahe bukod pa sa pag amin nito na hindi kaya ang maginaw na klima duon.

Una nang inimbitahan ni Trump si Pangulong Duterte nang makapag usap sila sa telepono noong  May 2017 na magtungo sa Amerika at naulit pa ang imbitasyon noong Hulyo 2018 sa pamamagitan ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na nagsabing patuloy nilang inaayos ang posibleng Washington visit ng Punong Ehekutibo.

 

192

Related posts

Leave a Comment