ANG DAMING PARTY-LIST PARA SA MGA GURO, PERO WALANG SILBI

SALIKSIK

APAT ang party-list groups ang kinatawan ng mga guro o edukasyon sa Mababang Kapulungan ng ika-17 Kongreso.

Nariyan ang ACT – Teachers party-list, Manila Teachers party-list, A Teacher party-list at Ang Edukasyon party-list.

Ang apat na ito ay muling tumatakbo para sa eleksyon sa Mayo 13.

Bilang propesor, dapat akong matuwa, sapagkat maraming kapwa ko guro ang aming kinatawan sa lehislaturang sangay ng pamahalaan.

Napakalakas na boses ang apat, subalit ang lakas na ito ay mistulang latang walang laman na hinahampas sa kalsada, sapagkat hindi magkakasundo ang apat na party-list.

Kaya, napakasakit sa tenga ng kanilang ‘malakas na boses.’

Ang totoo, magkakaiba sila ng interes at mga isyung ipinaglalaban.

At ang interes at mga isyung ipinaglalaban ay hindi makatutulong sa guro, sa partikular, at sa edukasyon, sa pangkalahatan.

Ang ACT Teachers nga na madalas naglalabas ng kanilang pahayag sa media ay hindi tungkol sa guro ang isyung isinusulong at ipinaglalaban kundi interes at adyenda ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army.

Wala naman akong na­lalamang ginawa at isinulong na mga panukalang batas ang mga kinatawan ng Manila Teachers party -list, A Teacher party-list at Ang Edukasyon party-list simula nang manalo sila noong eleksyong 2016 para sa interes at kagalingan ng mga guro sa bansa.

Matatapos na ang termino ang kasalukuyang Kongreso ng bansa, ngunit wala pa ring naipasang batas upang maingat ang buhay ng mga guro, madagdagan ang kanilang sahod at mga benepisyo at iba pang makatutulong sa kanila upang lalo pang mapaghusay ang kanilang pagtuturo.

Wala ring naipasang batas upang patuloy na umunlad at umangat ang kalidad ng sistema ng basic education sa Pilipinas.

Ngayong halalan, umiikot na naman ang nasabing apat na party-list groups sa mga botante upang himukin silang iboto pa rin ang mga nasabing party-list sa halalan sa Mayo 13.

Kung ako ang tatanungin, hindi ko na pipiliin ang party-lists na ito sapagkat hindi naman sila totoong magsasalita at magsusulong ng mga interes at adyenda ng mga guro.

Kahit saang anggulo tingnan, hindi maganda ang maraming party-list groups ang mga guro, ngunit wala namang silbi.

Hindi baleng walang manalo sa kanilang apat, sapagkat kahit manalo sila ay mukhang natalo rin ang mga guro.

Hindi baleng walang kinatawan ang mga guro sa mababang kapulungan, sapagkat mistulang wala rin silang kinatawan sa mababang kapulungan kahit sila ay manalo dahil hindi sila tapat at seryosong isinusulong at ipinaglalaban ang interest at adyenda ng mga guro. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)

180

Related posts

Leave a Comment