MAGKAKAROON ng reunion si Tokyo Olympian Carlos Edriel “Caloy” Yulo at kanyang pamilya ngayong kapaskuhan.
Nakatakdang umuwi ang Japan-based na si Yulo sa huling bahagi ng taon para sa pagbabasbas ng 2,000-square meter Gymnastics Training Center (GTC) sa Victoria corner Basco sa Intramuros, na magiging bagong tahanan ng kinaaaniban niyang Gymnastics Association of the Philippines (GAP).
Isang dating warehouse ang ngayon ay halos 40 porsiyento nang tapos na pasilidad at ginastusan ng higit P5 million para maging GTC. Ang rentang P250,000 kada buwan ay aakuin ng Philippine Sports Commission.
Ayon kay GAP president Cynthia Carrion na kasalukuyang nasa Tashkent, Uzbekistan kasama si International Gymnastics Federation (FIG) president Morinari Watanabe para dumalo sa Asian Gymnastics Union Congress, unang pagkakataon na magkakasama muli ang pamilya Yulo simula noong 30th Southeast Asian Games noong 2019 sa Manila.
Nabatid pa kay Carrion, nakatakdang lumahok ang 21-anyos na si Yulo sa 50th FIG World Championships sa Kitakyushu, Japan sa Oktubre 18-24.
Nakabase ang Pinoy gymnast sa Tokyo sapul pa noong 2016, at ang Kitakyushu ay apat na oras na train ride lang mula sa tinutuluyan ni Yulo.
Mahigit 400 gymnasts, kabilang ang 239 lalaki mula sa 59 bansa, ang inaasahang lalahok din sa World Championships. (ANN ENCARNACION)
150 