SADYA nga yatang magulo, at marumi ang pulitika sa bansa. Dangan naman kasi, lahat gagawin makalamang lang sa karera. Pati ang patuloy na banta ng pandemya, napupulitika.
Sa pag-amin mismo ni Vaccine czar Carlito Galvez, tambak lang at tila naghihintay na lamang ng ilang araw ang mga bakuna bago tuluyang mag-expire sa mga imbakan sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Pasaring pa ng Kalihim, mayroon umanong mga gobernador na sadyang ayaw muna paturukan ang kanilang mga residente. Katunayan aniya, hinaharang pa ang pamamahagi ng mga bakuna kontra COVID-19 dahil lang sa lintek na pulitika.
Aniya, hindi dapat gamitin bilang sandata ang mga libreng bakuna.
Ang tinuran ni Galvez, sumasalamin sa administrasyong walang kontrol sa sitwasyon. Ni hindi nga niya nagawang pangalanan ang mga tinutudyo niyang gobernador.
Sa pahayag ni Galvez, maraming lumulutang na pagdududa. Isa nga bang katotohanan ang kanyang sinabi o atake sa mga gobernador na hindi nila kakampi?
Pwede rin namang totoo dahil estilo rin ito ng administrasyon. Mga kakamping probinsya kung saan may nababanaag na malaking bilang ng boto ang kanilang inuna.
Hindi na bago ang pulitika sa gitna ng pandemya. Katunayan, sa unang bugso pa lang ng ayuda para sa mga pamilyang lubos na dinagukan ng salot, nakita na ang estilo ng mga nasa pwestong aral sa sining ng pamumulitika.
Mga kaalyado at pinagkakautangan ng suporta ang kanilang inuna. Ang totoong apektado, nasa dulo ng linya at nagkasya sa sukling baryang tinabasan pa ng mga tiwali sa iba’t ibang tanggapan.
‘Yan mismo ang estilo ng administrasyon. Bakit kamo? Mga pangako noong 2016, ngayon lang ginagawa, para nga naman ang mabuti maiwan sa ating alaala.
Ang tanong, aabot pa ba ang resulta sa halalan? Oo naman, kaya nga nagkukumahog kahit pa may pandemya.
Sa isang banda, bentahe nila ang pandemya – nagkakapera na, nakakapamulitika pa!
130
