‘Di na kasi umubra sa Maynila SIBUYAS NG TSINA SA CDO IPINASOK

MAKARAAN ang kabi-kabilang bulilyaso sa mga kargamentong naglalaman ng mga sibuyas sa Maynila, sa Cagayan de Oro naman sinubukan – subalit bigong ipuslit ang mga kalakal pang-agrikultura mula sa bansang Tsina.

Sa ulat ng Bureau of Customs (BOC), dalawang dambuhalang containers na naglalaman ng mga red onions mula Tsina ang nasabat ng mga kawani ng BOC sa Port of Cagayan De Oro.

Batay sa mga dokumento ng kawanihan, nakapangalan bilang consignee ng mga naturang kargamentong unang idineklarang naglalaman ng “frozen malt” ang isang South Road Consumer Good Trading. Lingid sa kaalaman ng nasabing kompanya inaasahan na ng BOC na una nang nakatanggap ng timbre hinggil sa paglapag ng bulto-bultong sibuyas mula sa Tsina.

Pagdating sa Mindanao Container Terminal (MCT) Subport sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental, agad na ineksamen ang mga dokumento at agad ipinatawag ang mga kinatawan ng iba’t ibang katuwang na ahensya ng pamahalaan para sa physical examination.

Dito na tumambad – tulad ng kanilang hinala – ang sandamakmak na “red onions”na ipinuslit sa nasabing Puerto.

Bukod sa mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS-CDO) Field Station sa pangunguna ni Intelligence Officer Oliver Valiente,

bahagi rin ng isinagawang inspeksyon ang Enforcement and Security Services (ESS) at ilang kinatawan mula sa Chamber of Customs Broker Inc. (CCBI).

Ani Port District Collector Atty. Elvira Cruz, agad nilang ipinoproseso ang mga kaukulang dokumentong kalakip ng pagwasak ang mga smuggled agricultural products na aniya’y lubhang nakaka­apekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka.

Nito lamang nakaraang buwan nang sirain ng BOC ang P13.5-mil­yong halaga ng sibuyas na ipinuslit mula pa rin sa bansang Tsina.

Una nang naghain ng reklamo hinggil sa negatibong epekto ng mga smuggled vegetables sa merkado ang mga magsasaka mula sa rehiyong nagsusuplay ng gulay at iba pang produktong pang-agrikultura sa mga pangunahing pamilihan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Anila, ‘di nila kayang sabayan ang mabababang presyo ng mga smuggled na gulay na ayon sa Department of Agriculture (DA) ay posibleng magdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng tao lalo pa’t hindi umano ito dumaan sa pagsusuri ng mga eksperto.

196

Related posts

Leave a Comment